BUENAVISTA, Quezon – Napatay ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at dalawa ang nasugatan matapos bombahin ng New People’s Army (NPA) ang truck ng sundalo sa Barangay Batabat Sur, nitong Sabado ng umaga.
Kinilalala ng militar ang napatay na si Romar Gono, 22, at taga-Brgy. Lilukin ng nabanggit na bayan.
Sugatan naman sina S/Sgt. Victor Bartocillo, miyembro ng 85thInfantry Battalion (IB) at Arnel Bajamunde, miyembro rin ng CAFGU at pawang nakatalaga sa Patrol Base Wasay sa Buenavista, ayon kay Army Lt. Col. Emmanuel Cabahug, battalion commander ng 85th IB.
Sinabi ni Cabahug, pabalik na ng kampo ang mga sundalong sakay ng kanilang truck matapos magbigay ng seguridad sa nilunsad na “Barangayanihan Program” ng Buenavista Police Force para sa mga Aeta sa Brgy. Del Rosario nang pasabugan sila ng bomba at pagbabarilin ng mga rebelde, dakong 11:41 ng umaga.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga rebelde.
Isinugod naman sa Magsaysay Hospital sa Lopez, Quezon ang mga nasugatan, gayunman, binawian ng buhay si Gono.
Narekober sa lugar na pinangyarihan ng sagupaan ang iba’t ibang bala at kalibre ng baril, at iba pang kagamitang pampasabog.
Danny Estacio