LA TRINIDAD, Benguet – Sinunog ng mga awtoridad ang P43.3 milyong halaga ng 12 sakong pinatuyong marijuna na nauna nang nadiskubreng nakatago sa bulubundukin ng Sitio Palwa, Sagpat, Kibungan sa naturang lalawigan, nitong Biyernes.
Paliwanag ni Col. Elmer Ragay, hepe ng Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office-Cordillera, agad silang nagsagawa ng operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na ibibiyahe ang mga marijuana na nakatago sa isang plantation site.
Sa pagsalakay ng mga tauhan ng RID, Regional Explosive Ordnance Disposal, Canine Unit (RECU), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera Administrative Region (CAR) at Benguet Provincial Police Office sa nasabing lugar ay nadiskubre rin ang dalawang plantation site at pinagbubunot ang 12,950 puno ng fully grown marijuana na nagkakalahala ng P2.59 milyon.
Ayon kay Ragay, nadiskubre ang 12 na sako ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P43,325,000 sa hindi kalayuan mula sa nabanggit na plantasyon.
Binanggit pa ni Ragay na agad nilang sinunog ang nasabing halaga ng iligal na droga upang hindi na mapakinabangan.
Zaldy Comanda