Inisyuhan na ng kanyang Philippine passport ang basketball player na si Angelo Kouame.
Ang nasabing pasaporte ang natatanging dokumento na magbibigay sa kanya ng pagkakataon upang makapaglaro, kasama ng Gilas Pilipinas sa huling window ng FIBA Asia Cup Qualifiers sa darating na Hunyo 16 - 20 June sa Clark, Pampanga.
Ini-release ng Bureau of Immigration ang pasaporte ni Kouame noong Miyerkules, tatlong linggo makalipas lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte at pormal na naisabatas ang Republic Act 11543 na naggagawad ng naturalization sa 6-foot-10 slotman na tubong Ivory Coast.
Maliban sa FIBA Asia Cup, balak din ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na palaruin siya sa FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa Serbia, 19th Asian Games sa China at FIBA World Cup na gaganapin sa bansa sa 2023.
Inaasahang malaking tulong si Kouame para sa Gilas squad na pamumunuan nina Dwight Ramos, Isaac Go, Mike at Matt Nieto, Jordan Heading, Tzaddy Rangel at Will Navarro.
“I am happy for Ange,” ani Gilas head coach Jong Uichico na mayroon pang inaasahang isang reinforcement sa katauhan ni Kai Sotto na dumating mula US para maglaro sa National men's basketball team.
Kaalukuyang nasa training bubble pa rin ang sa loob ng Inspire Sports Academy sa Calamba ang Gilas at nakatakda silang magtungo sa Clark sa Hunyo 13.
Marivic Awitan