Nahaharap ngayon sa balag ng alanganin si dating Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark Kristopher Tolentino, kasama ang Austrian citizen na si Jan Marsalek at dalawa pang empleyado ng bangko kaugnay sa umano'y pagkakasangkot sa “billion-dollar scandal” ng kumpanyang Wirecard AG na naka-base sa Munich, Germany.
Ito ang kinumpirma ni Assistant State Prosecutor Honey Rose Delgado, tagapagsalita ng DOJ-Office of the Prosecutor General (OPG), nitong Biyernes.
Ang reklamo aniya ay iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bank of the Philippine Islands (BPI) nitong Mayo 31.
Bukod kina Tolentino at Marsalek na dating executive ng Wirecard AG, kinasuhan din ang umano’y dalawang bank employee na sina Joey Dela Cruz Arellano at Judith Singayan Pe.
Paglilinaw ni Delgado, ang mga akusado ay inakusahan ng falsification of commercial documents; paglabag sa Section 55.1 ng Republic Act 8791 (General Banking Act); paglabag sa Section 33 ng Republic Act 8792 (Electronic Commerce Act); at paglabag sa Section 4(a)(b) ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Noong nakaraang taon, iniutos ng Department of Justice sa NBI na imbestigahan ang mga personalidad na may kaugnayan sa Wirecard batay na rin sa pakikipag-usap nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“Wirecard AG is an insolvent German payment processor and financial services provider, whose former CEO (chief executive officer), COO (chief operating officer), two board members, and other executives have been arrested or otherwise implicated in criminal proceedings,” ayon naman sa Wikipedia.
Jeffrey Damicog