Nagkaroon ng magandang tsansa ang Filipina champion skateboarder na si Margielyn Didal na mag-qualify sa darating na Tokyo Olympics pagkaraan nitong makaabot sa semifinals ng 2021 Street Skateboarding World Championships na ginaganap sa Foro Italico sports complex sa Rome noong nakaraang Huwebes (Manila Time).
Tumpos ang Asian Games gold medalist sa ikalabing-pito mula sa 27 kalahok at nakalikom ng 19 na puntos upang makapabilang sa mga semifinalist ng prestihiyosong torneo na pinakahuling qualifying event para sa Summer Games.
Ang top 3 finishers sa torneo ang magkakamit ng slots sa Tokyo Games kasama ng isang best Japanese finisher para sa pagiging Olympic host.
Magkakaloob din ang World Skateboard Federation ng Olympic slots sa top 16 sa world ranking kung saan may malaking tsansa si Didal dahil kasalukuyan na itong No. 13 taglay ang 27560 puntos kasunod ng kanyang semifinal finish sa nakaraang Dew Tour Des Moines sa Iowa noong isang buwan.
Kailangan lamang na panatilihin ni Didal ang kanyang standing hanggang sa cut-off sa Hunyo 29.Ang tatapos na top 8 sa semifinals ay uusad sa finals sa Lunes.
Marivic Awitan