Handa na ang Philippine Azkals na sumabak sa gaganaping joint 2022 FIFA World Cup at 2023 Asian Cup qualifying match na inilipat na sa United Arab Emirates.
Sinabi ng Philippine Azkals, kasalukuyang nasa training camp sa Doha, Qatar, na sabik na sila at handa nilang ilabas ang kanilang husay asa nasabing international competition.
Ang UAE ang napili ng Asian Football Confederation noong Martes bilang bagong host ng Group A games, isang araw matapos na magdesisyon ang continental football governing body na palitan ang naunang venue sa Suzhou, China.
"The AFC outlined its desire to ensure the safe and successful resumption of the Asian Qualifiers and we are determined to deliver on our plans, keeping in mind the highest health protocols, for the benefit of all our participating teams, players, fans and key stakeholders," pahayag ni AFC General Secretary Dato' Windsor John.
Bukod sa Group A games, ang UAE rin ang magsisilbing host ng iba pang tournament matches sa Group G, na kinabibilangan ng host country, Vietnam, Malaysia, Thailand at Indonesia.
Ang iba pang bumubuo sa Group A na kasama ng Azkals ay ang China, Syria, Guam at Maldives.Marivic Awitan