Kabilang ako sa A3 Priority Category kaya nakatanggap na ako ng dalawang dose ng Sinovac Coronavac, na itinurok sa akin nang four weeks apart. Dahil diyan, hayaan niyo akong ikwento sa inyo ang naranasan ko tungkol rito.
Simple lang ang proseso, at masaya ako dahil binago na ng Department of Health (DOH) ang proseso para isama ang fully informed consent. Tara’t ipaliliwanag ko sa inyo ang buong proseso batay sa karanasan ko, at daragdagan ko na rin ng ilang tip para iwas-hassle tayo.
STEP 1: Papasok ka sa isang kuwarto kung saan kukunin ng health worker ang iyong blood pressure (BP) at oxygen saturation level, para malaman nila kung puwede kang makatanggap ng bakuna sa araw na ‘yon. Walang karayom sa hakbang na ito.
STEP 2: Lilipat ka sa susunod na kuwarto, kung saan may health worker na magpapaliwanag sa iyo ng lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa bakunang matatanggap mo. Ipaliliwanag ng health worker hindi lamang ang mga benefits kundi pati rin ang mga potential na side effects, at sasagutin rin niya ang anumang katanungang mayroon ka. Kung may duda ka sa bakuna, ito na ang oras para magtanong. Muli, walang karayom sa hakbang na ito.
STEP 3: Dito na ang mismong bakunahan. Lilipat ka sa susunod na kuwarto para maturukan ka na ng bakuna. Ilang segundo lang ang prosesong ito kaya wag kang masyadong mapraning. Matapos mabakunahan, bibigyan ka ng vaccination card na naglalaman ng iyong mga personal na detalye, petsa ng bakuna, brand ng bakuna, at pangalan ng health worker na nagbakuna sa iyo.
STEP 4: Ito ang huling step. Papasok ka sa isa pang kuwarto kung saan kukunin nila ang iyong BP at oxygen saturation level. Oobserbahan ka nila ng mga kalahating oras para masegurong wala kang matinding side effects na mararanasan. Magandang buuin ang step na ito para may access ka s amabilis na serbisyong medikal kung sakaling kailanganin mo ito. Wala naman akong nakitang ganoon sa mga nakapaligid sa akin at kahit ako man e walang naranasang matinding side effect. Matapos ang observation period na ito, puwede ka nang umuwi.
Ang buong proseso, mula Step 1 hanggang Step 4 at ang kaakibat na pagpila, ay tumatagal ng nasa dalawang oras. Oo, medyo matagal ito, pero malaking bagay kasi yung maipaliwanag sa iyo nang buo ang benefits and risks ng bakuna para fully informed ka sa sitwasyon.
Ngayon, heto naman ang samu’t saring tips para iwas-hassle sa bakunahan UNA, magdala ng ballpen at kung pwede, mini-fan. Pagsasagutin ka ng ilang standard forms kaya magandang may dalang bolpen dahil mas ligtas at mas convenient ‘pag ganito. Isiningit ko na rin ang mini-fan kasi mainit ang panahon ngayon kaya mas komportable kung may dala kang mini-fan o pamaypay man lang.
UNA, magdala ng ballpen at kung pwede, mini-fan. Pagsasagutin ka ng ilang standard forms kaya magandang may dalang bolpen dahil mas ligtas at mas convenient ‘pag ganito. Isiningit ko na rin ang mini-fan kasi mainit ang panahon ngayon kaya mas komportable kung may dala kang mini-fan o pamaypay man lang.
IKALAWA, ingatan ang vaccination card. Itong card ang pruweba ng bakuna at kakailanganin mo ito para sa second dose, na ituturok naman sa iyo isang buwan matapos ang pagturok ng unang dose. Bukod diyan, ang vaccination card ang malamang na gamiting basehan sa magiging vaccination passport sa hinaharap, na siya namang magpapadali ng iyong pagbiyahe. Inaasikaso pa ang mekanismo para sa vaccine passport kaya wala pang ganoon, kaya maghintay muna.
IKATLO, huwag kalimutan ang second dose. Ang second dose ang lubusang magbibigay sa iyo ng pangmatagalang proteksyon laban sa COVID-19, at kadalasa’y temporary lang ang proteksyong makukuha mo kung isang dose lang ang iyong matatanggap. Dahil rito, HUWAG KALIMUTAN ang magpaturok ng second dose.
IKAAPAT, huwag mahiyang magtanong. Lahat ng mga health worker na nakasalamuha ko ay napaka-friendly at napaka-accommodating, at sinagot nila lahat ng mga tanong ko tungkol sa bakuna. Huwag mahiyang magtanong sa kanila, hindi sila nangangagat.
IKALIMA, side effects. Nahilo ako ng bahagyang-bahagya matapos ang unang dose pero sobrang minor lang. Yung second dose naman, nakaramdam ako na parang nasuntok yung braso ko, pero very mild lang at nawala rin matapos ang 24 oras. Wala akong naramdaman na na kahindik-hindik na side effects.
Tuwang-tuwa ako sa performance ng DOH sa vaccination site. Alam niyo, nakakatuwang makakita ng mga health workers na maasikaso at mukhang masaya sa trabaho nila. Iyong grabeng pagka-maasikaso nila? Malaki ang naitulong no’n sa pagpapakalma ng mga kabado sa bakuna. Ako mismo ay nakaobserba na kalmado lang ang mga ibang babakunahan sa paligid ko.
Aminado akong marami pang dapat gawin ang DOH pagdating sa vaccine-related na information campaign. At bilang pagpapasalamat ko sa DOH dahil nalagpasan nila ang mga expectation ko, nagpasya akong ituon ang buong kolum ko ngayon para kahit paano’y matulungan silang magkalat ng impormasyon, at para na rin isang paraan para magpasalamat sa ating mga frontliners na nananatiling dedikado sa pagsisilbi sa bayan sa kabila ng lahat.
Alam ng 1.7 million social media followers ko na madalas kong laiitin si Secretary Duque, pero kailangan kong pumuri kung kapuri-puri naman ang ginawa.
At dahil diyan, Good Job Sec. Duque! Sana’y tuloy-tuloy na ito.
Para sa mga comments, reactions, at suggestions, please email [email protected] o pumunta sa Facebook.com/TheThinkingPin