Isang palabirong tao si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Likas siyang palabiro. Sabi nga nila, he's a joker.
Para sa opposition coalition 1Sambayan, isang masamang biro o "a joke of the worst kind” na makita o malamang tatakbo sa mas mababang posisyon ang Punong Ehekutibo sa halalan sa Mayo, 2022.
Sa isang pahayag sa official Facebook page nito, sinabi ni 1Sambayan convenor at lawyer Howard Calleja na lubhang "katawa-tawa" na malamang ang Pangulo ay tatakbo bilang vice president.
“The alleged VP run of the President not only makes a mockery of the constitution but a joke of the worst kind. It is laughable and the height of impertinence to the Filipino people,” ani Calleja.
Ang posible raw na pagtakbo ni PRRD bilang vice president sa 2022 ay “macrocosm of the Davao formula,” na ang ibig sabihin ni Calleja ay ang mahigpit na paghawak sa poder ng Pangulo sa kanyang hometown sa Davao, na siya at ang pamilya ay hawak ang puwesto mula pa noong 1988.
Iginiit ni Calleja na ang pagtakbo ni Mano Digong bilang vice president ay isang paraan o maniobra para manatili sa puwesto pagkatapos ng kanyang presidency sa susunod na taon.
"Nakatitiyak ako na makikita ng mga Pilipino na ito ay isang "macrocosm of the Davao formula" at ito ay tatanggihan nila sapagkat ito ay self-interest lang ng Pangulo at mapanatili niya ang authoritarian brand ng bigong liderato at pangangayupapa sa China,” ayon kay Calleja.
Kinokondena ng mga kritiko ang defeatist stance ng Pangulo sa pang-ookupa ng China sa West Philippine Sea (WPS), na baha-bahagi ring inaangkin ng Pilipinas, Malaysia, Indonesia, Vietnam, at Brunei Darussalam. Inaangkin naman ng China ang kabuuan nito o ang South China Sea, kabilang ang WPS,
Sa halip daw na ikatuwa ang panalo ng PH sa kaso sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague na nagbabalewala sa batayan ng pag-angkin ng China, ang nine-dash line—pinili pa ni PRRD na magkaroon ng relasyon sa Beijing.
Samantala, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na wala pang desisyon ang Pangulo sa kahilingan ng PDP-Laban na siya ay tumakbo bilang vice president sa 2022 dahil siya ay nakapagsilbi na sa mga mamamayan bagamat nais pa rin niyang bigyan ng higit na kabutihan ang mga Pilipino.
Nakita ba ninyo ang galit at panggigil ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa isang pulis na walang awang pumatay sa isang lola sa Quezon City?. Sa video at sa mga pahayagan, galit na galit si Eleazar dahil pinagsisikapang pabutihin ang imahe ng PNP, pero heto ang isang bugok na pulis na bumaril at pumatay sa isang matandang babae.