Tiklo ng mga tauhan ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang binatilyo nang ibenta ang kinarnap nitong luxury van sa isang pulis sa Quezon City, kamakalawa.

Kinilala ni PLt. Col. Michael Bautista, hepe ng DACU ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na si Oliver Pareñas, 19, residente ng B6, L14 Imperial Homes, Brgy. Tartaria, Silang, Cavite.

Una rito, dumulog sa DACU ang biktimang si Armida Urtiz, 39, at ini-report na ninakaw ang kanyang Mitsubishi Montero na may plakang AAO-8769, habang nakaparada sa harap ng Bldg. 33 MRB Compound, Pilot Drive, Bgy. KamakalawCommonwealth, noong May 4, bandang 9:00 ng gabi.

Kamakalawa ay nakatanggap ng impormasyon ang DACU na ibinebenta sa online ang kinarnap na Montero kaya agad silang nakipag-transaksyon sa suspek na bibilhin ang Montero sa halagang P640,000.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit naibenta na pala ng suspek ang Montero noong May 26, sa isang Patrolman Louvinar Arce Quiton, na nakatalaga sa Tiaong Police Station, Quezon Police Provincial Office.

Agad na nagtungo sa Tiaong Police Station ang mga operatiba ng DACU-QCPD at doon ay nakita ang Montero na nakaparada sa police station.

Paliwanag naman ni Pat. Quiton, hindi niya alam na ang nabili niyang Montero ay kinarnap dahil may mga kaukulang dokumento ito gaya ng Deed of Sale, OR/CR, release of Chattel Mortgage, original ignition key, photocopy of ID ng registered owner at seller sa pangalang Oliver Pareñas.

Positibo namang itinuro ni Pat. Quiton ang suspek na siyang nagbenta sa kanya ng Montero ng lumutang ito sa tanggapan ng DACU-QCPD upang igiit na siya ang may-ari ng nasabing sasakyan pero hindi na ito pinakawalan pa ng mga awtoridad.

Nakapiit na ang suspek matapos kasuhan sa korte ng paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Law) at P.D. 1612 (Anti-Fencing Law).

Jun Fabon