Pumasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong 'Dante' nitong Linggo ng madaling araw.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang bagyo sa Silangan ng Mindanao, dakong 1:00 ng madaling araw.
Paliwanag ni weather forecaster Loriedin Dela Cruz ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,000 kilometro Silangan ng naturan rehiyon, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsonghanggang 55 kilometro bawat oras at kumikilos ito pa-Kanluran-Hilagang Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Ayon kay Dela Cruz, ang nabanggit na sama ng panahon ay magdudulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Caraga at Davao Region sa susunod na mga araw.
“Under these conditions, isolated to scattered flooding (including flash floods) and rain-induced landslides are possible, especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazards as identified in hazard maps. Adjacent or nearby areas may also experience flooding in the absence of such rainfall occurrence due to surface runoff or swelling of river channels,” sabi nito.
Sa pagtaya pa ng PAGASA, posibleng mananatili ang bagyo sa bansa hanggang Martes (Hunyo 1) kung hindi magbabago ang direksyon nito.
Ellalyn De Vera-Ruiz