Kung si US Pres. Joe Biden ang masusunod, kailangang ipagtanggol ng United States ang mga daanan sa karagatan o sea lanes sa South China Sea (SCS) at sa Arctic region.
Sa kanyang commencement address bilang commander-in-chief, sinabihan niya ang graduates ng US Coast Guard Academy na ginanap noong nakaraang Miyerkules sa New London, Connecticut, na malaki ang kanilang magiging papel upang manatiling malakas ang US sa karagatan.
Ipinaalam niya sa may 240 graduates ng CGA, kabilang ang apat na Pilipino (dalawang lalaki at dalawang babae), na nagbabago na ang mundo at sila ay lubhang napakahalaga ngayon.
Ang apat na ipinadala ng ating bansa sa United States Coast Guard Academy (USCGA) cadetship program ay sina First Class Cadets Genison Basilio, Eric Joseph Noble, Daisy Anne Atayan, at Dianne Sharia Basuel. Kabilang sila sa 240 graduates ng USCGA Class 2021.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Biden ang US bilang tagapagtanggol ng global rules, batas sa kalakalan at karagatan, lalo na sa South China Sea at sa Arctic. Binigyang-diin niya ang kanyang commitment sa strategic competition sa Russia at China, at tinawagan niya ang dalawang bansa sa kanilang "disruptive actions."
Ganito ang pahayag ng US president sa English: "When nations try to game the systems or tip the rules in their favor, it throws everything off balance. That's why we are so adamant that these areas of the world that are the arteries of trade and shipping remain peaceful, whether that's the South China Sea, the Arabian Gulf, and increasingly the Arctic." Aba, patama ito ni Biden sa agresibong China na patuloy sa pag-okupa sa mga reef at shoal ng PH, pero hindi naman kumikibo ang ating mga lider.
Binigyang-diin ni Biden na tumalo sa bilyonaryong ex-Pres. Donald Trump na mahalaga raw sa foreign policy ng Amerika ang ma-secure ang walang hadlang na daloy ng global commerce. Hindi raw mangyayari ito kung walang aktibong role ang US sa pagtatakda ng norms of conduct para sa democratic values at hindi ng para sa mga autocrats o diktador.
Noong Biyernes, may istorya tungkol sa payo ng Malacanang sa mga mangingisdang Pinoy na balewalain ang ipinaiiral na fishing ban o pagbabawal dragong bansa na mangisda sa SCS. Hinikayat ng Palasyo na ipagpatuloy nila ang pangingisda sa West Philippine Sea sapagkat ito ay saklaw ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Sinabi ng Malacanang hindi puwedeng ipatupad ang unilateral fishing ban ng dambuhalang China sa mga lugar na nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.
"Walang extraterritorial application ng mga batas ang mga dayuhang bansa. Manatili kayo riyan sa traditional fishing grounds at kayo ay poprotektahan ng Coast Guard. Mangisda lang kayo," pahayag ni presidential spokesman Harry Roque.