CEBU CITY - Isa na namang pulis ang pinagbabaril at napatay ng mga lalaking sakay ng isang multi-purpose vehicle (MPV) habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Barili City, Cebu, nitong Sabado ng umaga.
Pagdidiin ng mga awtoridad, ito na ang ikalawang pananambang kay Police Master Sgt. Raymond Zozobrado kung saan ay hindi na ito nakaligtas dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Si Zozobrado, 40, nakatalaga sa Guihulngan City Police Station sa Negros Occidental, ay kagagaling lamang sa lamay ng kasamahang pulis na napatay ng riding-in-tandem nang tambangan sa Barangay Mambaling, Cebu City noong Abril 2018 at nakaligtas ito dahil sa paa lamang ito tinamaan ng bala, ayon sa pulisya.
Sa ikalawang insidente, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo, angkas ang isang babae, nang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaking naka-kotse sa Bgy. Dakit, Barili, dakong 9:00 ng umaga.
Kaagad na binawian ng buhay si Zozobrado habang ang kasamahang babae ay isinugod sa ospital dahil sa tama ng bala.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa ikadarakip ng mga suspek.Calvin Cordova