Limang mga Filipino archers ang nakatakdang magtungo ng Paris sa darating na Hunyo 15 upang lumahok sa World Olympic Qualifiers.

Ito ang ibinalita ni World Archery Philippines (WAP) president Clint Aranas.

Ang mga Pinoy archer na magsisikap magkamit ng slots para sa Tokyo games ay sina Riley Silos at Jason Emmanuel Feliciano sa men’s division at sina Pia Elizabeth Bidaure, Phoebe Nicole Amistoso at Gabrielle Monica Bidaure sa women’s division.

Idaraos ang qualifiers sa Hunyo 18- 21 sa Charlety Stadium sa Paris.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Humigit-kumulang na 300 archers ang inaasahang sasabak sa nasabing qualifiers kung saan ang top three teams at individuals ang mabibigyan ng tiket sa Tokyo Olympics na gaganapin mula Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Pagkatapos ng qualifiers, mananatili pa doon ang mga archer upang lumahok sa idaraos na Hyundai Archery World Cup na nakatakdang idaos sa nasabing venue sa Hunyo 20 - 28 para na rin sa karagdagang exposure ng team.

Naglaan ang Philippine Sports Commission ng halagang P3,172,313.60 bilang financial assistance para sa Olympic qualifying campaign ng mga archer.

Marivic Awitan