Isang Filipino-American ang kabilang sa mga namatay sa isang pamamaril sa sa San Jose rail yard sa California nitong Mayo 26.
Si Paul Dela Cruz Megia, 42, ay isa sa siyam na indibidwal na binaril ni Samuel James Cassidy, isang maintenance worker sa Santa Clara Valley Transportation Authority (V.T.A).
Ang VTA ang nagbibigay ng rail at bus services para sa San Jose, isang Silicon Valley tech hub ng halos isang milyong tao.
Si Megia ay isa ring empleyado sa V.T.A. at 20 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya.
Sa isang panayam sa ama ni Megia, si Leonard Megia, sa The New York Times inilarawan nito ang anak bilang isang “wonderful dad.”
Sa katunayan, aniya, naka-scheduled na mamasyal si Paul sa Disneyland kasama ang apat nitong anak nitong Huwebes (Mayo 27).
Hindi rin, aniya, nakakalimutan ni Paul na tawagan ang mga anak tuwing umaga at kumustahin ang mga ito bago pumasok sa paaralan.
Ayon sa ulat ng NYT, may dalawang anak na lalaki, isang babae at isang stepson si Paul.
“He’s a very loving dad who cared a lot about his children,” pagbabahagi pa ni Leonard.
Kabilang din sa mga namatay sa pamamaril sina Taptejdeep Singh, 36; Adrian Balleza, 29; Jose De Jesus Hernandez III, 35; Timothy Michael Romo, 49; Michael Joseph Rudometkin, 40; Abdolvahab Alaghmandan, 63; Lars Kepler Lane, 63; at Alex Ward Fritch, 49.
Samantala, binaril din ni Casssidy, ang gunman, ang kanyang sarili nang dumating ang mga pulis sa lugar.
Ayon sa San Jose police, iniimbestigahan din nila ang isang sunog na pinaniniwalaang konektado sa pamamaril. Ayon sa ilang report ng US media, sumiklab ang sunog sa bahay ng suspek bago ang pag-atake.
Sa panayam naman sa ex-wife ng salarin, sinabi ni Cecilia Nelms sa Bay Area News Group na Cassidy “often spoken angrily about his co-workers and bosses, and at times directed his anger at her.”