Nagsimula na ng kanilang training camp ang national men's football team na mas kilala bilang Philippine Azkals sa Doha, Qatar para sa kanilang preparasyon sa darating na FIFA World Cup at AFC Asian Cup joint qualifiers sa susunod na buwan.
Bagamat kalahati lamang ng bilang ng mga players ang dumalo, hindi nag-aksaya ng panahon ang Azkals at sinimulan na ang pagsasanay upang mapagtibay ang kanilang chemistry at teamwork bago sumabak sa torneong nakatakdang ganapin sa Suzhou, China sa Hunyo 3-15.
“First session in Doha is in the books,” ayon sa naging post ng Azkals sa kanilang opisyal na social media account.
Labing tatlo lamang mula sa inaasahang 25-man pool ang naroon ngayon sa Doha at nagsasanay sa ilalim ni head coach Scott Cooper.
Pinangungunahan ni skipper Stephan Schrock ang mga players na nasa camp na kinabibilangan ng mga beteranong sina Angel Guirado, Alvaro Silva, Mark Hartmann at Patrick Reichelt kasama ang mga young guns na sina Jarvey Gayoso, Mar Diano, Bernd Schipmann at Michael Kempter.
Samantala, inaasahan ng Azkals management ang pagsunod sa Doha ng United City FC center-back at isa ring miyembro ng Azkals Developmental squad na si Justin Baas bilang pinakahuling karagdagan sa national pool.
Marivic Awitan