Nilinaw kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na walang iregularidad o special treatment na nangyari sa pagbabakuna sa movie at television actress na si Alice Dixson.

Ang pahayag ay ginawa ng alkalde matapos na makatanggap ng ulat mula kay Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla, na nagsasabing mismong ang Department of Health (DOH) pa ang naglinis ng pangalan ng ospital sa bintang na pinayagan nito na mabigyan ng second dose ang nabanggit na aktres sa isang mass inoculation.

Sinabi ni Padilla sa alkalde na tulad din ng karamihan na nagpunta ng ospital upang mabakunahan noong May 20, si Dixson ay pumila at hinintay ang kanyang pagkakataon na mabakunahan.

Tsika at Intriga

Ethan David sa 'grooming' issue: 'I was the 13 yrs old being referred to!'

Dagdag pa niya, kuwalipikado ang 51-anyos na si Dixson sa bakuna sa araw na iyon dahil siya ay kabilang sa A3 category o mga indibidwal na edad 18 hanggang 59 at may comorbidities.

Matapos dumaan sa encoder na isang required na proseso, si Dixson ay tinurukan ng kanyang second dose.

Ayon kay Padilla, hindi ito ipinagbabawal ng DOH at sinabi pa ng kagawaran na “nobody should be deprived of second dose.”

Sa totoo lang, ayon kay Padilla, walang nakakilala sinuman sa ospital kay Dixson dahil ito ay nakasuot ng double facemasks at nakilala lamang nila ito matapos mabakunahan at nang itaas niya ang kanyang face shield.

Nabatid na tinanggap ni Dixson ang kanyang first dose ng Pfizer vaccine sa Canada noong Abril ngunit hindi na nakatanggap ng second dose doon dahil umuwi na ito sa Pilipinas.

Nakarehistro rin naman anila ang aktres sawww.manilacovid19vaccine.phat nagpunta sa Sta. Ana Hospital nang dumating na ang araw para sa kanyang second dose.

Si Padilla ay nagreport sa alkalde matapos na akusahan ng netizen ang aktres na hindi pumila at hindi sumailalim sa tamang proseso ng bakuna na isa ring hayagang pagtuligsa sa vaccination process ng ospital.

Ayon naman kay Moreno, unfair ang nasabing pagbatikos dahil ang vaccinating teams ng pamahalaang lungsod ay tapat na sumusunod sa itinakdangregulasyon ng national government, partikular ang DOH, Department of the Interior and Local Government (DILG) Inter-Agency Task Force (IATF) at iba pa.

Binigyang-diin ng alkalde na kung umiiral ang VIP treatment sa lungsod, dapat ay nauna na siyang bakunahan bago pa ang iba.

Mary Ann Santiago