“Kung kaya ni kuya, walang dahilan na hindi nyo rin kaya.”
Ito ang sinabi ni Donna Ellaine Perez Villarin sa Balita nang ibahagi niya kung ano ang kanyang napagtanto matapos makilala si Joy Habana, isang delivery app rider na pinatatakbo ang kanyang bisikleta gamit lamang ang isang binti.
Ayon kay Villarin, isang hotel executive na mayroon ding home-based food business, nakilala niya si Habana sa regular na pakikisalamuha sa mga food delivery riders.
Isang pagkakataon sa mga karaniwan niyang delivery transaction nakilala niya si Habana. Tulad ng maraming kliyente ni Habana, na sorpresa din siya nang makita kung paano bumaba ng kanyang bisikleta ang rider gamit ang kanyang nag-iisang binti at lumapit sa kanya sa tulong ng alalay nitong saklay.
“I was meant to meet kuya that day. I decided to go down and get my order myself. I never imagined that it would be [an] extraordinary encounter. Inabot nya yung order ko with one hand kasi yung isang kamay nya, hawak yung saklay nya,” dagdag pa niya.
Dito na nagpakuha ng larawan si Villarin sa kanyang katrabaho kasama si Habana, na ipinost niya sa kanyang Facebook page.
Ibinahagi rin ni Habana sa kanya ang rason kung bakit iisa ang kanyang binti. Ayon kay Kuya Joy, nawalan siya ng binti pagkapanganak pa lamang dahil sa pag-inom nang kanyang ina ng mga birth control pills noong ipinagbubuntis siya.
Bagamat naawa si Villarin sa kalagayan ni Habana, ang awang ito kalaunan ay napalitan ng mataas na pagrespeto para sa rider, na tumitindig sa kabila ng kanyang kapansanan upang makapaghanapbuhay.
“Maraming mababait at mapursigi sa ginagawa nila, meron din na nagpaparamdam ng reklamo dahil siguro sa pagod. Normally, it’s my team who meets and dispatches orders and para naman sa mga orders namin, contactless, so lagi namin pinapaiwan sa harap ng bahay,” pagbabahagi pa ni Villarin sa Balita.
“With the pandemic, many of us have become more understanding. Those who are like Kuya Joy, you do not deserve pity from anyone, you deserve respect. People will applaud you for rising above your limitations. And this can be your everyday battle that you will win. So be that inspiration you already are,” dagdag pa niya.
Nang makapanayam ng Balita sa pagitan ng kanyang bookings nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 26, sinabi na Habana na higit isang taon na rin siyang nade-deliver ng pagkain.
Naikuwento rin niya, na dati siyang nagtatrabaho sa isang pest control shop bago ang pandemya. At nag-aalok ng mga property bilang sideline na trabaho.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi kailanman ikinonsidera ni Habana ang kanyang kapansanan bilang kakulangan na inihalintulad pa niya sa pagsakay sa kanyang bisikleta.
“Parang sa normal lang na biker, tuloy-tuloy lang po ang pagpedal. Kahit paahon ito po [ay] kaya dahil may kambyo naman po ang aking bike. Sanay na sanay na po ako sa pagbi-bike. Bago pa kasi ako mag-high school natuto na akong mag-bike sa sariling sikap,” pagbabahagi ni Habana sa Balita.
Gayunman, aminado si Kuya Joy na may mga pagsubok pa rin siyang kinakaharap bilang isang delivery rider – pero hindi dahil sa kanyang kapansanan, kundi sa mga error at pananamantala ng ilan.
Tulad ng ibang delivery rider, naranasan na rin niya na maka-engkuwentro ng fake bookings, maling address, at long distance drop off bookings na kaya lamang mapagsilbihan ng mga food delivery riders na nakamotorsiklo.
Pinakamalayo niyang naabot gamit ang kanyang bisikleta sa pagde-deliver ay mula Marikina patungong Cavite.
Kung mayroong masamang karanasan, may magaganda rin naman, aniya.
“Nandyan po yung inaabutan ka ng tip na P500 to P1,000. Inaabutan ka ng food at grocery kahit hindi ka kakilala. Yung mabigyan ka ng malaking halaga dahil sa nakita ka lang. Mga taong umiyak sa harap mo dahil sa paghanga sa ginagawa mo,” kuwento ni Habana.
At ang dedikasyong ito na maipakita ang pagpapahalaga sa trabaho ng mga delivery riders, ang dahilan kaya’t inilunsad kamakailan ng food business na Kanie Allie ni Villarin ang “Pasalubong ni Kuya Rider.” Ito ang nagbibigay sa delivery app rider ng baked sushi na maaari nitong ipasalubong sa pamilya, sa tulong ng kanyang mga kostumer.
Mula sa original price na P300, maaari nang makabili ang kostumer ng isang platter ng baked sushi para sa rider sa halagang P150, habang ang natitirang presyo ng pagkain ay sasagutin na ng Kani Allie.
“It’s the least we can do for them, who have gone through many sacrifices just to be able to deliver food to us and our clients,” ani Villarin.