CABA, La Union-Kaagad na binawian ng buhay ang isang 26-anyos na student-pilot ng Tecnam P-2010 (RP-C8230) light aircraft nang mag-crash ito sa dagat sa bisinidad ng Barangay Wenceslao ng naturang bayan, nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Mark Irvin Marcelo Sabile, taga-Apalit, Pampanga, at estudyante ng First Aviation Academy sa Subic.
Sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kagagaling lamang ng eroplano sa Iba Airport sa Zambales ay patungo na sana sa La Union at Lingayen Airport bago sana bumalik sa Iba Airport bilang bahagi ng solo cross-country flight ng nabanggit na student pilot nang maganap ang insidente.
Kaagad na nagresponde sa crash site ang grupo ng mga mangingisda at mga tauhan ng Philippine Coast Guard kung saan nahugot si Sabile.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente.
Erwin Beleo