KUALA LUMPUR, Malaysia — Higit 200 katao ang sugatan, kabilang ang 47 malubha, sa salpukan ng dalawang metro light rail trains sa isang tunnel sa Kuala Lumpur, Malaysia, nitong Lunes.
Naganap ang insidente dakong 8:30 ng gabi (local time) nang bumangga ang isang bakanteng tren sa isa pa na may sakay na 232 katao sa Kelana Jaya Light Rail Transit (LRT) line sa bahagi ng isang underground section malapit sa KLCC station sa labas ng Petronas Towers, ulat ng media mula sa pahayag ni Malaysian transport minister Wee Ka Siong.
Ayon sa minister, 166 pasahero ang nagtamo ng light injuries habang 47 ang “seriously injured,” kung saan ilang sugatan ang isinugod sa ospital.
Ang bakanteng tren, aniya, ay sumasailalim sa isang test run nang maganap ang aksidente.
Ito naman ang unang beses na nasangkot sa aksidente ang 23 taong LRT, at nangako ang pamunuan na bubuo na ng isang special panel upang imbestigahan ang banggaan.