Mahalaga ang desisyon at kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na gamitin o ikabit ang body cameras sa anti-illegal drug operations ng mga pulis at maging sa regular na pagpapatrulya.

Naniniwala ang mga mamamayan na kung may nakakabit na body camera ang pulis sa kanyang katawan sa panahon ng operasyon at nagkaroon ng engkuwentro at may napatay na mga illegal drug suspects, makikita kung talagang sila ay napatay sa lehitimong operasyon o talagang nanlaban.

Nagdududa kasi ang mga tao na ang mga napatay na drug suspects ay hindi nanlaban kundi sadyang binaril lang at nilagyan ng baril at iligal na droga.

“As much as possible, gamitin natin dyan. Well at least, during the implementation or service of search warrant,” pahayag ni Eleazar sa isang panayam nang tanungin kung ang body cameras ay gagamitin sa anti-drug operations.

Sinabi rin ng pinuno ng PNP na ito ang kanilang komento o suhestiyon nang sila'y makipag-dialogue sa mga mahistrado ng Korte Suprema. Ayon kay Eleazar, ang body cameras ay puwede ring gamitin o ikabit sa regular na pagpapatrulya ng mga pulis.

“In our case, ito pong mga normal patrolling dadalhin din po natin yan. So each city police station was given units nitong body cam which could be used, maximize the use of this, in the conduct of not just operations but regular patrolling,” ani Eleazar.

Ang Supreme Court ay gumagawa ng mga panuntunan at protocols para sa paggamit ng body-worn cameras sa police operations. Batay sa report, ang PNP ay nakapagkaloob na ng halos 3,000 body cams sa iba't ibang city police stations at planong bumili ng may 30,000 units.

***

Mukhang bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kung ang pagbabatayan ay ang nairekord ng Department of Health (DOH) nitong nakaraang Martes na mahigit na 4,000 na lamang. Maging ang mga tinatamaan ng virus sa Metro Manila ay medyo bumaba na rin. Ang Metro Manila ang itinuturing na episentro ng Covid-19 cases.

Gayunman, may mga ulat naman na bigla pa rin ang pagtaas ng tinamaan ng coronavirus sa ilang lugar, tulad ng Puerto Princesa at Zamboanga City. May mga rehiyon din daw na bigla ang pagtaas ng bilang ng Covid-19. Aba, mag-ingat kayo mga kababayan.

Umaasa ang OCTA Reseach Group na patuloy na babagsak ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19, basta sumunod lang sila sa health protocols ang mga Pilipino, at iwasan ang maging kampante o kaya'y magpabaya sa pangangalaga sa kalusugan.

Bert de Guzman