Bumalikwas mula sa malaking puntos na pagkakaiwan ang Filipino taekwondo jin na si Kurt Barbosa upang magapi ang katunggaling Jordanian na si Zaid Alhalawani at masungkit ang inaasam na Tokyo Olympics berth noong Sabado ng gabi sa idinaos na Asian Olympic Qualification Tournament sa Amman, Jordan.

Bunga ng nasabing panalo, si Barbosa ang nag-iisang Filipino taekwondo jin na nakapasok sa Tokyo Games.Siya rin ang naging pang-9 na atletang Pinoy na nag-qualify sa quadrennial meet.

Sa naganap na qualifying tournament, tanging ang dalawang jin na uusad sa finals ng bawat weight class ang mabibigyan ng Olympic slots.

Naging mahirap ang pinagdaanan ni Barbosa bago nakamit ang minìmithing tagumpay sa men's -58kg. division semifinals. Sa katunayan unti-unti syang humabol mula sa 15 puntos na pagkakaiwan sa násabing laban nila ni Alhalawani bago nya ito nagapi.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa natitirang 12 segundo ng laban, halos hawak na ng Jordanian jin ang Olympic berth dahil umabante pa ito kay Barbosa, 49-44. Gayunmanm sa isang iglap ay nakapagtala ng tatlong sunod na tadyak ang Pinoy para maagaw ang panalo.

Nauna nang nagwagi ang National University standout laban kay Tumenbayar Molom ng Mongolia, 40-33, sa quarterfinals.

Samantala, hindi naman pinalad sa kanilang kampanyang magkamit ng Olympic slots sina 2016 Rio Olympics veteran Kirstie Alora at Pauline Lopez.

Nagtapos lamang na third place sa women's +67kg. division si Alora, kasunod ang kanyang 9-7 panalo kontra sa Tajikistan bet na si Mokhru Khalimova sa laban nila para sa bronze medal.

Nabigo si Alora sa kanyang target na ikalawang sunod na Olympic stint makaraang madomina ito a sa semifinals ng Uzbekistan jin na si Svetlana Osipova,5-27.

Hindi naman nakasulong ng semis si  Lopez matapos matalo kay Laetitia Aoun ng Lebanon sa quarterfinals, 10-21.

Marivic Awitan