May mga alumni mula sa San Beda College na alma mater ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang hindi kumporme sa kanyang posisyon at paninindigan sa West Philippine Sea (WPS). Nais nilang bawiin ng Pangulo ang mga pahayag o remarks sa isyu ng WPS na parang pinapaboran pa ang China kaysa Pilipinas.
Ayon sa mga ulat, lubhang nababahala ang mga graduate ng San Beda University, partikular sa mga komento ni PRRD, na pag-aari na ng Beijing ang katubigan ng ‘Pinas o ang WPS. Hindi rin nila nagustuhan ang pagkukumpara ni Mano Digong sa mahalagang desisyon ng Arbitral Tribunal noong 2016 na pabor sa Pilipinas, bilang kapirasong papel na puwedeng itapon sa basurahan.
Sa pahayag ng San Beda alumni noong Mayo 16, ganito ang isinasaad: "When a part of our country's territory is taken against our will by the People's Republic of China, and our countrymen, particularly the fishermen, are threatened with force from exclusively enjoying our nation's marine resources, the President is solemnly bound to uphold, defend and protect his countrymen and the integrity of our national territory."
Ang Pangulo ay isang alumnus ng San Beda Law na nagtapos noong 1972. Sinabi ng San Beda signatories na dapat bawiin ng Presidente ang mga pahayag tungkol sa WPS, pagpabor sa China.
Hinimok din nila si PRRD "to categorically, demonstrably and publicly uphold Article 12, Section 2 of the 1987 Constitution that government will protect the country's marine resources within its territories, and ensure that its citizens have exclusive use to it".
Binigyang-diin ng taga-San Beda na ang kanilang fraternal appeal sa Pangulo ay ginawa bilang tugon sa clarion call para sa San Beda, sa bansa, at Diyos. Matagal nang nagbabala ang mga eksperto sa ‘di-magandang kahihinatnan o repercussions ng mga komento ng Pangulo.
Patuloy na binabalewala ng China ang 2016 ruling na nagbabasura sa pag-angkin nito sa halos kabuuan ng South China Sea (SCS), kabilang ang WPS, pero patuloy na naglalayag ang mga barko ng dambuhala at pagdaong sa mga reef at isla na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.
Matindi ang tugon ng Pangulo sa kanyang mga kritiko. May mga okasayon na iniinsulto niya nang personal ang mga critic, lalo na sina ex-DFA chief Albert del Rosario at dating former Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Minsan ay hinamon ni PRRD si Carpio sa isang debate, pero umatras ang Pangulo. Sa halip, sinabi niyang si presidential spokesman na lang ang makikipagtalo sa Mahistrado.
Samantala, si Carpio ay naglunsad ng isang pambansang petisyon na humihiling kay PRRD na i-retract o bawiin ang mga pahayag tungkol sa WPS, pagtuturing sa panalo ng PH sa Arbitral Tribunal bilang kapirasong papel na puwedeng itapon sa basurahan, at iba pang mga isyu.