Bumaba na ng 25% ang mga bagong COVID-19 cases na naitatala sa National Capital Region (NCR) kada araw.

Sa ulat ng OCTA Research group nitong Biyernes, nabatid na mula Mayo 14 hanggang Mayo 20 ay bumaba na ang average daily cases sa NCR ng 1,299, o 25% pagbaba mula sa nakaraang linggo.

Samantala, ang reproduction number naman sa NCR ay nasa 0.54 na lamang, na mas mababa mula sa dating 0.57 reproduction rate noong nagdaang linggo.

Sinabi pa ng OCTA na mayroon nang siyam na local government units (LGUs) sa NCR ang klasipikado na bilang ‘moderate risk’ mula Mayo 14 hanggang 20.

Isang dekada, kailangan para maisaayos educ crisis sa bansa—EDCOM2

Kabilang anila dito ang mga lungsod ng Navotas, Malabon, Caloocan, Manila, Pasay, Muntinlupa, Taguig, Valenzuela at Quezon City.

Iniulat pa ng independent research group na ang weekly positivity rate sa Metro Manila ay nasa 11% na lamang habang ang healthcare utilization rate (HCUR) naman ay nasa 48% at ikinukonsidera na itong safe o ligtas.

Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Mayo 20 ng hapon, kabuuang 1,165,155 ang confirmed COVID-19 cases ang Pilipinas at sa naturang bilang, 51,912 ang aktibong kaso.

Mary Ann Santiago