Pabor ang Department of Health (DOH) na maglagay ang mga local governments unit (LGU) ng hiwalay na walk-in lanes sa COVID-19 vaccination centers para sa mga taong nais nang magpabakuna, gayunman, hindi pa naka-iskedyul.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kung makatutulong ang paglalagay ng walk-in lanes para mapabilis ang pagbabakuna ay maaari aniya itong isagawa.
Gayunman, dapat aniyang organisado ito at nakahiwalay sa mga naka-schedule na para mabakunahan.
“Kung ito (paglalagay ng walk-in lanes) ay makakatulong, maaari nating gawin 'yan,” ani Vergeire, sa isang online press conference. “Organized dapat 'yan na hinihiwalay mo 'yung mga naka-walk in dun sa mga naka-schedule.”
Dapat rin aniyang may target na bilang lamang sa isang araw kung ilan ang walk-in na tatanggapin upang hindi magkaroon ng crowding o pagkukumpulan ng mga tao sa vaccination sites.
Upang hindi naman masayang ang bakuna, hinihikayat rin ng DOH ang mga LGUs na gamitin ang “quick substitution lists” upang matiyak na maituturok ang mga bakuna sakaling hindi sumipot ang mga taong naka-schedule para dito.
“Kapag hindi dumating 'yung masterlisted mo on the specific day na babakunahan siya, meron ka dapat agad-agad na matatawag para mabakunahan para hindi masayang 'yung doses ng binuksang bakuna,” aniya pa.
Mary Ann Santiago