Nang pormal na ianunsiyo ang pag-upo ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP) maraming kababayan natin, kabilang na ako, ang umaasa sa muling pagbabalik ng mga maginoo at matitinong pulis na duty sa presinto, at nagpapatrulya sa mga iskinita at kalsada, lalo na rito sa Metro Manila.
Sa totoo lang, matapos na magkakasunod na maupo bilang Chief PNP ang tatlong opisyal na matagal ding nadestino sa Davao City, ‘di na ako umasa na magiging CPNP pa ang ilang nakapila na senior police generals na sobrang kuwalipikado sa posisyon, kasama na nga rito si Lt. Gen. Eleazar.
Malakas kasi ang naging ugong sa mga kampo ng pulis at militar na dapat ay naka-right connect ang isang opisyal, sa maimpluwensiyang grupo na kung tawagin ay “Davao Connection” upang makakuha ng “dream post” sa kasalukuyang administrasyon. Pero sa pagkakataong ito, tila naging waepek ang sinasabing “impluwensiya” sa pagkakapili kay Eleazar, dahil namumukod-tanging pangalan niya lamang ang laman ng rekomendasyon mula sa Department of Interior and Local Government (DILG). Naging solidong batayan ito ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kaya’t hinirang siyang pang 26thna pinuno ng “220,000-strong police organization”.
Ganito ang naging pahayag ni DILG secretary Eduardo Ano: “Through a Napolcom resolution, Eleazar was recommended to be the next PNP chief based on seniority, merit, service reputation, and competence to lead the police force. I expect Lt. Gen. Eleazar to lead the PNP organization to greater heights amidst the pandemic during these challenging times.”
Wala ni kapiranggot na pagkontra rito ang Palasyo: “Gen. Eleazar’s track record of professionalism, dedication, and integrity speaks for itself. We are therefore confident that he will continue the reform initiatives of his predecessors and lead the police organization to greater heights. All the best to Gen. Eleazar as the new PNP Chief.”
Sina Eleazar at ang pinalitan niyang si General Debold Sinas ay kapwa miyembro ng “Hinirang Class of 1987” ng Philippine Military Academy (PMA), at sa pagkakahirang kay Eleazar, siya ay ang pang-anim na CPNP sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bago si Eleazar nahirang na CPNP, siya ay ang No. 2 top man ng PNP bilang Deputy Chief for Administration (DCA). Pinamunuan niya rin ang Joint Task Force COVID Shield, na siyang nagpapatupad ng mga quarantine rules at protocols sa gitna ng pandemya. Nagsilbi rin siya bilang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang pinakamalaki at kontrobersiyal na regional office ng PNP, bago siya pumanhik sa hagdan ng mga matataas ng opisyal sa PNP HQS sa Camp Crame, bilang Chief of Directorial Staff (CDS), ang pang-apat na puwesto.
Halos anim na buwan lamang ang itatagal ni Eleazar bilang CPNP – sa Nobyembre siya nakatakdang magretiro pagdatal niya sa mandatory retirement age of 56 – pero isa ako sa maraming naniniwala na agad niyang maibabalik ang tila nawawalang respeto ng mga mamamayan sa buong organisasyon ng PNP.
Ang banta niya sa mga tiwaling pulis sa unang araw ng pag-upo niya bilang CPNP: “Sa mga natitirang hoodlum in police uniforms, sisiguraduhin ko sa inyo, you will hate me. Hindi ako magdadalawang-isip na magtanggal ng mga tiwaling pulis!”
Mabigat din ang naging paalala ni Eleazar sa iba pang opisyal ng PNP mula regional directors, provincial at city directors, station commanders, at police precinct commanders na huwag pagtatakpanang maling gawi ng kanilang mga tauhan: “Naniniwala ako na magdadalawang-isip ang sinumang pulis kung alam niya na siya ay hindi kukunsintihin ng kanyang commander, hindi kukunsintihin ng kanyang kasamahan at hindi kukunsintihin ng kanyang organisasyon!”
Sama-sama tayong magbantay, magmasid, at tumulong na rin siyempre sa pamunuan ng PNP -- sa pamamagitan ng pagre-report sa kanila ng mga pinaggaga-gawang kapalpakan ng ilang pasaway na pulis – upang mabalik na nang lubusan ang mga matitino at maginoong pulis sa ating paligid!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa:[email protected]