Kinumpirma ni Philippine General Hospital (PGH) Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na mabilis na ang pagtanggap ngayon ng kanilang pagamutan ng COVID-19 patients.
Ayon kay del Rosario, sa kabila ng sunog na tumama sa isang bahagi ng pagamutan kamakailan ay patuloy pa ring tumatanggap ng mga COVID-19 patients ang PGH, na pinakamalaking COVID-19 referral facility sa bansa.
Aniya, kinakailangan lamang na tumawag sa kanilang command center sa hotline number na 155-200.
Sinabi pa ni del Rosario na mabilis na rin ang pagtanggap nila ng mga pasyente dahil bumaba na ang bilang ng kanilang COVID-19 patients.
Sa ngayon aniya ay 110 na lamang sa kabuuan nilang 250 COVID-19 beds ang okupado ng mga pasyente.
“Mabilis na po 'yun dahil bumaba na ang numero ng aming mga pasyente sa PGH. Ngayon po ay 110 patients na lang po out of 250 kaya maluwag po ngayon ang PGH for COVID,” aniya pa.
Matatandaang noong kasagsagan ng surge ng COVID-19 sa NCR Plus areas noong Marso at Abril ay naging pahirapan ang paghahanap ng mga pasyente ng mga pagamutang pagdadalhan sa kanila dahil punuan halos ang mga COVID-19 referral hospitals, gaya ng PGH.
Kinakailangan pa ng mga ito na pumila ng matagal bago ma-admit sa mga pagamutan.
Mary Ann Santiago