Kakandidato sa 2022 si VP Leni Robredo pero hindi pa niya nililinaw kung anong posisyon ang itatakbo niya. Noong una, mukhang interesado siya sa pagtakbo bilang presidente, pero ilang presidential survey na rin ang lumabas at malinaw-linaw na tagilid ang Bicolana. 

 

Noong unang linggo ng Mayo, namataan ang bise-presidente na nag-apply ng barangay clearance sa isang barangay sa Magarao, Camarines Sur. Maaalalang matagal nang residente ng Naga City si Robredo. Sa kasamaang-palad, tinatawag na “independent component city” ang Naga kaya’t hindi bumoboto sa provincial elections ang mga residente nito. 

 

Interesanteng development ang pagsulpot ni Robredo sa Magarao, dahil requirement sa pagtakbo sa mga provincial positions (governor, vice-governor, etc.) ang isang taong residency sa probinsiya.

 

Sa Oktubre 2021 na ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga nais tumakbo sa 2022 elections. Dahil sa kanyang pag-apply ng barangay clearance sa Magarao, may ilang buwan si Robredo na pumili sa mga sumusunod na options:

 

UNA, ang tumakbo para sa isang national position, maging ito ma’y pagka-pangulo, re-election bilang bise-presidente (puwedeng 2 terms ang vice-president), o senador.

 

IKALAWA, ang tumakbo sa isang local position sa Naga City, puwedeng mayor ng Naga City tulad ng yumaong asawang si Jesse Robredo o congressman tulad ng itinakbo nito noong 2013.

 

IKATLO, ang kumandidato sa Camarines Sur bilang gobernador, bise-gobernador, o mayor mismo ng Magarao. May duda ako kung tatakbo siya ng Magarao, isang 4th  class municipality, dahil masyadong malaking downgrade iyon mula sa pagiging pangalawang pangulo ng bansa. 

 

Sa Setyembre pa ang deadline ng voter registration kaya’t may panahon pa si Robredo para magpasya.

 

Nagninilay pa si Robredo kung alin sa mga ito ang kanyang pagpipilian pero kamakailan lamang ay sinabi niyang mas interesado talaga siya sa lokal na posisyon. 

“Ever since, ever since sinasabi ko na kung ako may choice, at ako lalaban, tingin ko lalaban ako—hindi sa tingin ko; gusto ko ng lokal eh. Gusto ko ng lokal—governor, mayor—kasi… iyon iyong gusto kong klaseng trabaho. Pero wala pa namang desisyon,” ani Robredo noong nakaraang linggo.

Sa aking palagay, logical itong sabihin dahil ligwak nga si Robredo sa mga national surveys. Baka sakaling maremedyuhan ang sitwasyon niya kung pangatlo o pang-apat siya sa presidential surveys, pero malinaw nasa laylayan siya ng listahan, kaya’t isang matindi-tinding himala ang kakailanganin ni Robredo para manalo bilang pangulo.

Dahil dito, inaasahan kong magiging administrasyon versus administrasyon ang susunod na pambansang karera. Oo, gustong magpresidente ni dating Senador Antonio Trillanes pero alam naman nating lahat na suntok lang sa buwan ang sakali niyang magiging kadidatura. Walang pag-asa ‘yon.

Mukhang malinaw-linaw na ang intensiyon ni Senador Manny Pacquiao na tumakbong pangulo matapos nitong tablahin si Pangulong Duterte ukol sa West Philippine Sea, na hindi naman ikinatuwa ng maraming tagasuporta ng presidente. Alam naman nating todong maka-Duterte si Pacquiao kaya’t takang-taka ang lahat nang naglakas-loob itong mambara.

Maliban kay Pacquiao, maaari ring tumakbo si Davao City Mayor Inday Sara Duterte (na sa ngayo’y ayaw daw talagang tumakbo), si dating Senador Bongbong Marcos (na hindi pa naglililinaw kung aling posisyon ang gustong takbuhin), si Senador Bong Go (na maimpluwensiya sa PDP-Laban), at si Manila Mayor Isko Moreno (na may option namang tumakbo muling alkalde sa Maynila).

Ilang buwan na lang ang bibilangin at matatapos na ang labanang DDS (Duterte Diehard Supporter) vs Dilaw dahil sa simpleng dahilang sunog na sunog na ang mga dilaw. Ni isa nga sa Otso Diretso, walang nanalo noong 2019, kulang na kulang na talaga ang kanilang popular support.

Samakatuwid, inaasahan kong maging admin vs. admin ang bangayan sa susunod na eleksyon, kaya kinakabahan akong tulad noong 2016, maraming mga pagkakaibigan ang masisira nito.

Dahil dito, gusto ko sanang ipakiusap sa inyo na huwag tayong magbabag nang dahil lamang sa politika. Totoong may sari-sarili tayong magiging manok para sa 2022, pero maaari naman tayong magkaiba-iba ng pananaw nang hindi nagmumurahan. Sa halip na panlalait sa isa’t isa ang maging tema ng 2022 campaign season, sana’y ituon natin ang ating lakas sa pagpapasya kung sino sa mga tatakbo ang may pinakamainam na sagot sa mga krisis na hinaharap at haharapin ng bansa.

Tulad ng sana’y magiging susunod na Pangulo, oras na para mag-level up ang mga Pilipino pagdating sa usaping politikal. Mag-debate tayo, pagtalunan natin kung alin ang mas magandang solusyon sa ating mga suliranin, pero huwag nating kalimutan na kahit iba-iba ang ating mga pananaw ay pare-pareho tayong nagnanais ng ikabubuti ng bansa.

Malaki ang aking pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil siya ang yumanig ng mundo ng politika sa bansa. Dahil sa kanyang pagbasag sa mga dilaw, mas madali na tayong mag-move on mula sa mababaw na personality politics at nasa posisyon na tayo para talakayin nang maigi ang kwalipikasyon ng mga kandito batay sa kanilang plataporma.

Sa 2022 elections, humanap tayo ng kandidatong makapagpapakita ng pinakamakatuwiran at pinaka-realistic na solusyon sa problema ng pagkain,

hanapbuhay, kalusugan, kapayapaan at pangkalahatang ekonomiya. Sana, hindi na natin tangkilin iyong mga puro “motherhood statements” lang, iyong mga tipong kulang na kulang sa detalye ang plataporma.

Sana, sa 2022 campaign season, pigain natin ang bawat kandidato para sa detalye. Hindi na puwede ‘yong basta makapangako lang. Dapat ay iyong may pangakong may kasamang malinaw-linaw na plano kung paano matupad.

Karamihan sa atin ay mga karaniwang mamamayan lamang na walang yaman, walang de-kampanilyang pangalan, at walang matinding boses para baguhin ang mga patakaran. Pero tuwing ilang taon, nabibigyan tayo ng kapangyarihan para baguhin ang ating bansa, at ito’y sa pamamagitan ng balota.

Kaya sana’y magparehistro na kayo sa pinakamalapit na COMELEC office sa lalong madaling panahon. Huwag nang hintaying makipagsiksikan sa Setyembre para lamang magpatala, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya.

Huwag sayanging ang miminsang pagkakataon na baguhin ang pamamalakad sa bansa, kaya tara’t magpa-rehistro na.

Para sa mga reaksyon o suhestiyon, mag-email lang sa [email protected] o magkomento sa Facebook.com/TheThinkingPinoy