Tatlong bangkay ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang magkakasunod na nadiskubre ng mga residente sa Baras, Rizal, nitong Miyerkules.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima na pawang natagpuan sa Barangay Pinugay.

Sa paunang ulat ng Baras Municipal Police, unang natagpuan ang dalawang bangkay ng isang concerned citizen kaya’t kaagad itong inireport sa mga awtoridad, dakng 7:00 ng umaga.

Sa imbestigasyon, isa sa mga biktima ay nakasuot ng itim na sando at gray pants, at may mga tattoo sa braso at katawan habang ang isa pa ay nakasuot ng asul na t-shirt at maong pants, at nakabalot ng pink na kumot.

Probinsya

13-anyos na babae na hinihinalang ginahasa, natagpuang patay sa altar ng chapel

Dakong 7:00 ng gabi naman nang madiskubre ang ikatlong biktima na naaagnas na ang bangkay, at ang mga paa ay nakatali ng brown na packaging tape.

Nakabalot ang bangkay sa isang garbage bag at nakasilid pa sa sako ng bigas.

Inaalam na ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima, gayundin ang motibo ng mga responsable sa krimen.

Mary Ann Santiago