Nakapili na ang Russia ng aktres at director na ipapadala sa outer space upang gumawa ng unang feature film sa kalawakan. Isang pakikipag-unahan sa tangkang “first space movie” ng US na pagbibidahan umano ni Tom Cruise.
Hangad ngayon ng Moscow na palakasin ang kanilang space programme, na natigil mula nang mabuwag ang Soviet Union at maungusan ng kompanya ng US tech billionaire na si Elon Musk, company SpaceX.
Ibinahagi ng Russian space agency ang film project matapos kumpirmahin ng NASA nitong nakaraang taon na nakikipag-usap na ito kay US action star Tom Cruise upang gumawa ng pelikula sa International Space Station (ISS).
Ang Russian “space drama”, na may working title na “Challenge,” ay pagbibidahan ng sikat na Russian actress Yulia Peresild, 36, at Klim Shipenko, isang 37-anyos na US-educated director at actor, ayon sa Roscosmos.
Sasailalim ang buong team sa training, kabilang ang isang test sa centrifuge, parachute jumps at paglutang sa zero gravity, sa susunod na buwan.
Isang mockup ng Russian segment ng ISS ang gagamitin sa paghahanda ng film crew para sa kanilang space adventure.
Inaasahan ang launching nito mula sa Baikonur cosmodrome sa Kazakhstan sakay ng isang Soyuz MS-19 spacecraft sa Oktubre 5.
Co-produced ang pelikula ng pinuno ng Roscosmos, Dmitry Rogozin, at ng state-run network Channel One.
Ayon kay Konstantin Ernst, Channel One general director, bahagi ang pelikula ng isang major project—na kabibilangan din ng pagpo-produce ng documentary films –upang matulungan ang mga Russian na ma- rediscover ang “love and passion” para sa human spaceflight programme.
“If people love a certain industry then this energy is being channelled into this process,” pahayag ni Ernst.