Inihihirit ng mga petitioner kontra sa Anti-Terrorism Law sa Korte Suprema, na tanggalin ang rekord ng testimonya at video presentation ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa naganap na oral arguments nitong Mayo 12.
Kasabay ito ay naghain ng mosyon ang mga petitioner para ikansela rin ang pagpapatuloy ng interpellation kay Esperon nitong Lunes, Mayo 17.
Katwiran ng petitioners, hindi authenticated sa ilalim ng Rules on Electronic Evidence ang mga inilabas na video ni Esperon sa nakaraang oral arguments.
Sa inilabas na dalawang video ni Esperon, makikita si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na inilalahad ang mga grupo na kaalyado ng CPP at National Democratic Front of the Philippines.
Matatandaang nauna nang ipinanood ni Esperon sa online oral arguments ng Anti-Terrorism Law ang isang video na binabanggit ni CPP founder Jose Maria Sison ang 18 organisasyon na tinatawag niyang “allied organizations.”
Mayroon pang isang video na pinapangalanan umano ni Sison ang “legal organizations” sa National Democratic Revolution na ipinakita rin ni Esperon kasabay ng direktang ipagbunyag na mayroong 70 organisasyon tulad ng Alliance of Concerned Teachers, Anakbayan, Kilusang Mayo Uno, Bagong Alaysang Makabayan, Gabriela at iba pa ang dumalo umano sa isang pagtitipon na pinangunahan ni Sison sa Hongkong noong 2020.
Sinabi rito na ang mga grupong ito ay bahagi ng tinatawag na International League of People’s Struggles na nagtitipon kada taon.
“The master red-tagger is no other than Jose Maria Sison. We are merely informing the public, this is of course what we called truth-tagging for purposes of public information so that we will not be misled by this movement or triad of the Communist Party of the Philippines, the New People’s Army and the National Democratic Front,” giit pa ng opisyal.
Pilit na ipinaaalis ng mga petitioners ang rekord sa kadahilanang malinaw na red-tagging ang ginawa ni Esperon laban sa mga lehitimong grupo.