Sabihin lang kung ano ang kailangan.

Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng insidente ng sunog sa isang bahagi ng Philippine General Hospital (PGH) nitong Linggo ng hatinggabi.

Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque, sinabi ng Pangulo na maaaring gamitin ang Presidential Social Fund (PSF) para sa pagkukumpuni ng mga nasirang gamit sa PGH.

Matatandaan na base sa ulat, umabot sa P300,000 ang halaga ng mga gamit na nasira dahil sa sunog na nagsimula sa ikatlong palapag ng pay ward ng PGH sa Maynila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dito ay agad naman sinabihan ng Pangulo sa pamamagitan ni Roque si PGH Director Dr. Gerardo Legaspi na magsabi lamang ang Malacañang kung anong kailangan ng ospital dahil agad itong magbibigay ng tulong.

Matatandaan noong Marso 2017ay nagbigay ang Pangulo sa PGH ng P100 milyon tseke para sa mga mahihirap na pasyente ng ospital na hindi kaya ang medical procedures at treatments.

“Doc Legaspi, kung anong kailangan niyo, sabihin niyo lang. Because dati na siya nag-offer ng mas malaking halaga so kung anong kinakailangan ngayon para ma-repair ang mga damage, puwede po i-tap yung Presidential Social Fund dahil ‘yan po ay dati na pong inoffer sa PGH,” pahayag ni Roque.

Kasabay nito, una na ring inatasan ni Pangulong Duterte sina National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer and vaccine czar Carlito Galvez Jr. at NTF deputy chief implementer and testing czar Vince Dizon na bisitahin ang PGH at i-check ang lawak ng pinsala.

Iniutos na rin ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad na simulan ang pagkukumpuni ng nasirang bahagi ng central block building ng PGH.

“Pinapunta niya kaagad ang ating NTF, si Secretary Galvez, Secretary Vince na nanggaling na po diyan sa PGH. At siyempre po top priority ng DPWH yung pagre-repair ng mga damage sa PGH dahil nga kinikilala natin na ang PGH talaga is not only the premier teaching hospital in the country but also importante po sa buhay ng mga mahihirap na Pilipino,” dagdag pa ni  Roque.

Beth Camia