Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na puspusan na ang isinasagawang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lungsod at hindi, aniya, sila titigil sa pagbabakuna kahit pa holiday man, o maging Sabado at Linggo.

Ayon kay Moreno, gagawin nilang tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa tuwing may available na bakuna para sa mga Manilenyo.

Kasabay nito, iniulat ni Moreno na nitong Lunes ay umabot sa may 15,763 mga medical front liners, senior citizens at nasa edad 18-59 may comorbidities, ang nabakunahan nila.

Nabatid na hinabaan rin ng lungsod ang oras ng vaccination na mula 6:00 ng umaga na hanggang 8:00 ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinasalamatan rin ni Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna at ang vaccinating teams mula sa Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold Pangan dahil sa kanilang dedikasyon sa pagtatrabaho.

“Bilib ako sa mga Batang Maynila sa inyong pagtitiyaga. I’m really proud of you at pinahahalagahan ninyo ang inyong mga sarili. Basta tayo, first come, first served basta nasa priority listing,” ayon pa kay Moreno.

Tiniyak rin ni Moreno na magdadagdag ng special vaccinaton areas sa sandaling magbigay ng go signal ang national government para sasusunod na priority categories.

“Ang tanging setback ay kailangan ninyong maghintay ng dalawa o tatlong oras dahil binabaha po talaga tayo ng mga tao. Pero hindi sa pagbubuhat ng bangko, maayos naman ang mga pila at lugar… talo inip. Isang taon na tayo naghintay tiyagain na natin,” dagdag pa ni Moreno.

Kaugnay nito, sinabi rin ng alkalde na target nilang umabot sa 540,000 indibiduwal kada buwan ang mabakunahan nila kung mayroon lamang sapat na suplay ng bakuna.

Ayon sa alkalde, may kapasidad sila na magbakuna ng 900 hanggang 1,000 tao kada araw sa bawat 18 vaccination sites nila.

"So kung papalarin tayo  kapag may continues supply, minimum of 1K x 18 x 30 = 540K per month, kung may bakuna," aniya pa.

Mary Ann Santiago