Walang sawa si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa paghahain ng diplomatic protests laban sa dambuhalang China dahil sa patuloy na pagpasok/pagpapadala ng mga barko sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Muling nag-file ng panibagong diplomatic protest si Locsin nitong Biyernes matapos maispatan ang may 287 Chinese maritime militia vessels at warships sa Philippine waters. Ni-reprimand o pinagalitan din niya ang National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa pag-iisyu ng press release tungkol dito sa halip na ipaalam muna ito sa kanya.
Sa kanyang Twitter, inanunsiyo niya ang paghahain ng bagong diplomatic protest matapos iulat ng NTF-WPS noong Miyerkules sa presensiya ng 287 Chinese militia ships sa WPS kahit nagpapatrulya ang puwersa ng Pilipinas sa naturang lugar.
“@DFAPH fire diplomatic protest. Maybe these idiots will have learned the protocol next time. I took this up with the President in Davao. We have a disease: everybody and his uncle wants to be a hero fighting China from anonymity of a task force,” ayon kay Locsin.
Pinagpapaliwanag niya ang task force kung bakit nag-announce ng sightings sa mga barko ng China sa halip na ipaalam muna ito sa DFA. “First NTF-WPS will explain to me why it made a press release and did not inform DFA so the only news today would be DFA fires diplomatic protest over the presence of 287 Chinese vessels. S—t”.
Sa pahayag noong Miyerkules, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na chairman din ng NTF-WPS, pinaiigting ng gobyerno ang sovereignty patrols sa territorial waters ng ‘Pinas upang mahadlangang ang patuloy na incursion o pagpasok ng mga barko ng Tsina.
Hanggang nitong Mayo 9, sinabi ni Esperon na may kabuuang 287 Chinese vessels ang nananatili sa iba't ibang bahagi o features ng munisipalidad ng Kalayaan, kapwa nasa loob at labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PH.
Batay sa mga report ng PH maritime patrols, dalawang Chinese maritime militia (CMM) ships at dalawang Houbei Class Missile warships ang nasa loob ng Panganiban (Mischief) Reef, isang CMM ang nasa Lawak (Nanshan) Island, 11 CMMs ang nag-ooperate may 29 nautical miles southwest ng Recto (Reed) Bank at isang CMM vessel ang nasa Ayungin (Second Thomas) Shoal, na kung saan isang Chinese Coast Guard (CCG) vessel ang namataan dalawang araw ang nakararaan.
Ayon sa NTF, may 34 maritime militia ships ang patuloy sa pananatili sa Julian Felipe (Whitsun) Reef.Para naman kay Sen. Panfilo Lacson, ang "pagbabalik" ng Chinese vessels ay dapat magsilbing panggising (wake-up call) sa mga Pilipino na magkaisa at magkaroon ng isang malakas na paninindigan sa isyu ng WPS.
“We are not really surprised. In a way, we even anticipated the return of the Chinese vessels because the vessels that were in the area earlier were most likely just surveying. Their job was to scout the land and not yet occupy. Ngayon nagbalikan na (Now they’re back),” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo kamakailan.
Nagbabala siya na kapag ang matataas na lider ng bansa ay patuloy sa pag-aaway hinggil sa WPS issue, baka magising na lang tayo isang araw na may mga garrisons na ang China sa Sabina Reef.
Binigyang-diin ni Lacson na handa ang ibang mga bansa na tulungan ang Pilipinas na panatilihin ang "balance of power in the WPS area" sapagkat meron ding silang national interests sa nasabing lugar.
Samantala, sinabi ng bagong hirang na Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na iuutos niya ang deployment ng mga tauhan sa WPS para tumulong sa pag-secure sa EEZ ng ating bansa. “Despite our limitations when it comes to resources, we will make sure that it will not discourage and prevent us from asserting and fighting for what is ours,” ayon kay Eleazar.