Nagbabala ang Department of Health (DOH)–Calabarzon hinggil sa mga kaso ng ‘acute bloody diarrhea’ na naitatala ng ahensiya sa ilang lalawigan sa rehiyon.
Sa pagbabahagi ni DOH–CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo, kasalukuyan nilang minomonitor ang mga kaso ng naturang sakit upang maiwasan ang patuloy nitong pagdami.
Pinaalalahanan rin niya ang mga residente na maging maingat at huwag balewalain ang naturang sakit dahil ito ay maaaring magresulta sa kamatayan kung mapapabayaan.
“The regional office is continuing its disease surveillance and is directly in contact with the local health officials in the provinces. Hindi dapat balewalain ang diarrhea dahil ito ay nakamamatay kung ito ay napabayaan at hindi agad nabigyan ng lunas,” babala pa ni Janairo.
Pinayuhan rin niya ang mga residente na huwag mag-atubiling dalhin kaagad sa pagamutan kung mayroon silang kapamilya na makikitaan ng ganitong karamdaman upang malapatan ito ng kaukulang lunas.
“Ang kailangang gawin ng mga residente kung mayroong isang miyembro ng pamilya na may diarrhea ay dalhin agad sa pinakamalapit na health facility upang ma-checkup at magamot,” aniya pa.
Ayon kay Janairo, ang diarrhea ay karaniwang sakit sa panahon ng tag-init.
Ilan, aniya, sa mga sintomas ng acute bloody diarrhea ay pananakit ng tiyan, dehydration at watery stool.
Dagdag pa niya, ang bloody diarrhea ay dulot ng Escherichia coli na matatagpuan sa pagkain at kapaligiran.
Batay sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), nakapagtala na ang rehiyon ng kabuuang 44 acute bloody diarrhea cases mula Enero 1, 2021 hanggang Mayo 15, 2021.
Ang mga pasyente ay nagkakaedad ng mula isang taong gulang hanggang 57 taong gulang.
Ang lalawigan na pinakamaraming kaso ng acute bloody diarrhea ay ang Quezon na may 19, sinundan ng Rizal na may 13; Laguna na may walong kaso at Cavite na may apat na kaso.
“Napakaimportante na ugaliing maghugas lagi ng mga kamay upang masiguro ang kalinisan bago at pagkatapos kumain at palaging uminom ng malinis na tubig upang maiwasan ang anumang bacteria na maaring makapagdulot ng sakit,” ani Janairo.