Hindi halos makatulog ang mga Pilipinong manggagawa sa Israel dahil patuloy na palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng naturang bansa at Palestine.

Sa panayam kay Arwin Sausa, ng “State of the Nation” sa GMA, hindi na aniya, makatulog ang mga OFW sa Israel sa gitna ng pangamba ng air strike habang lalong umiigting ang tensyon sa pagitan ng dalawang estado.

“Kapagka ‘yung gabi na po, nakapikit lang po kami pero ‘yung diwa po namin gising kasi nga po anytime may bomba po na dumating, nakakatakot po kasi,” kuwento ni Sausa.

“Matatanaw po namin ‘yung Gaza at saka po ‘yung mga binabato po nila. Kaya po talagang dapat gising ka lagi tapos alerto ka,” dagdag pa niya.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Hanggang nitong Lunes umabot na sa 132 tao ang namatay sa Gaza, kabilang ang 32 bata habang 950 ang sugatan, ayon sa medical officials ng Palestine.

Pito naman ang namatay sa Israel sa isang rocket attack na inilunsad ng armadong grupo sa Gaza, ayon sa ulat ng Al Jazeera.

Pagbabahagi ni Sausa, maririnig ang patunog sirena na babala ng pag-atake. Nakatatanggap din sila nga alerts sa kanilang cellphone.

“Kahit ‘yung sabihin mong nasa safety room ka, ‘yung mapapaisip ka na lang rin po na what if ‘yung bomba tumama sa ganyan tapos mabasag po ‘yung ano,” pag-aalala niya.

Hindi naman inasahan ni Jimmer Bucasas, isa ring OFW, na sisiklab ang ganitong kaguluhan sa pinagtatrabahuhan niyang bansa.

“Sobrang ano po, nakakakaba kasi hindi po namin expect na magkakagulo nang ganito tapos first time ko po na mangyari po sa akin na ganon,” pagbabahagi ni Bucasas.

“Iniisip ko na lang po ‘yung kaligtasan din po namin tapos nagdadasal na lang din po palagi,” dagdag niya.

Ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs, may halos 30,000 Pilipino ngayon sa Israel.

Jaleen Ramos