Magandang balita para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan, dahil pagkakalooban sila ng Department of Education (DepEd) ng tatlong buwang halaga ng internet load ngayong nagpapatuloy pa rin ang distance learning sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, bumibili na ang ahensiya ng connectivity load na magkakaloob ng 30 hanggang 35 gigabytes (GB) na halaga ng data kada buwan sa mga public school teachers.
Sisimulan aniya nila itong ipamahagi sa buwan ng Hunyo.
“We will begin to roll out siguro next month. We will be asking our teachers to register in DepEd Commons para mabigyan sila ng load sa kani-kanilang cellphone,” ani Pascua, sa isang pahayag kamakailan.
Ipinaliwanag naman ni Pascua na ang mga hindi nagamit na data allocation ay iro-rollover sa mga susunod na buwan sa loob ng isang taon hanggang sa tuluyan nilang makonsumo ang buong 100GB na data.
Aniya, inaasahan nilang napakarami nang magagawa ng mga guro sa naturang bandwidth na ipagkakaloob sa kanila.
“Ine-expect namin na higit tatlong buwan hanggang anim na buwan magagamit ng teacher itong connectivity load,” aniya pa.
Sinabi naman ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla, naglaan ang DepEd ng P1.2 bilyong pondo para sa naturang programa.
Aniya pa, ang naturang data load ang kapalit sa dating plano ng DepEd na magbigay ng P450 load allowance sa mga guro.
Mary Ann Santiago