Tila hindi nilulubayan ng kontrobersiya ang mga pelikula ni Darryl Yap.

Ngayon, umaani naman ng iba’t ibang reaksyon sa netizens ang trailer ng kanyang bagong pelikula na “Ang Babaeng Walang Pakiramdam.”

Hindi kasi nagugustuhan ng ilang netizens ang karakter ni Jerald Napoles, isa sa mga bida, sa pagkakaroon nito ng problema sa pagsasalita.

Isang online user ang naglabas sa social media ng pagkadismaya hinggil dito.

Pelikula

Barbie Forteza, magkakaroon ba ng pelikula; sinong leading man?

“Hindi ko alam kung ma ooffend ako o malulungkot sa trailer ng bagong film ni @DirekDarrylYap na NGONGO. Well, siguro both. As someone na NGONGO myself, I feel like I’m being misrepresented,” tweet ng netizen.

Ibinahagi niya kung paano sila namumuhay habang ipinapalala sa kanila ng paligid na naiiba at hindi nila kayang kumanta sa harap ng mga tao dahil “for sure pagtatawanan kami.”

“So this kind of joke needs to stop. Stop making fun of us because it’s not easy,” saad niya.

Giit pa ng user: “Iba ang NATUTUWA sa NATATAWA o yung TUMATAWA SA PINAGTATAWANAN.”

Samantala, ibinahagi naman ni Kim Molina, bahagi ng pelikula, ang kanyang saloobin, “Kung alam niyo lang kung gaano ka importante si “Ngo” sa storya ni Tasha. Kilala niyo kami ni Jerald. Kami mismo ang patola sa mga bullies na kung tutuusin ay pwede namang wag na naming patulan at sayang lang sa oras. Hindi kami gagawa ng isang bagay na makakatapak sa imahe at pagkatao ng iba. Tulad ng sinabi ni Je at ni Direk Darryl, panoorin niyo muna. Tsaka tayo mag-usap. Lablab, lods.”

Paalala naman ni Jerald: “Para sa mga nagagambala ang kalooban sa aking ginampanan sa pelikula. Naiintindihan ko ang reaksyon nyo.”

Gayunman, iginiit niyang hindi binubuod ng four minute trailer ang kanilang pelikula.

“Ang apat na minutong trailer ay maaring magbigay ng iba’t-ibang pananaw tungkol sa kung ano ang mga maaaring mangyari at maganap sa buong pelikula. Ang pelikula po ay humigit kumulang isang oras at kalahati hanggang dalawang oras. Ang buhay ay hindi nasasaklaw sa apat na minuto lamang. Panuorin po natin ang pelikula. Balikan nyo ko pag katapos,” aniya. “Sigurado ako, !! Mamahalin nyo si “Ngo” at ang maraming katulad niya. Maraming salamat po!”

Isang mahabang post naman ang ibinahagi ni Daryl upang mabigay ng kanyang papanaw bilang director ng pelikula.

“Wag mong samahan sa drama at dilim ang mga matagal nang nahihiya at pinagtatawanan,” pasimula ng direktor. “Samahan mo sila sa harap ng mundo at ipaglaban nyo ang kwento nyo.”

“Lagi tayong may kapangyarihan sa lahat ng sitwasyon. Pipili ka— magpapakabiktima ka o magiging bayani ka ng iyong sarili,”dagdag pa niya. “Ipapakita mong hanggang ganyan ka lang o susubukan mong ipaglaban ang istorya mo.”