Matapos ang higit anim na buwan ng enhanced community quarantine (ECQ) at ng modified version (MECQ) nito, muli nang ibinalik ni Pangulong Duterte ang National Capitol Region Plus area sa ilalim ng ‘stricter’ general community quarantine (GCQ) mula Mayo 15 hanggang 31.

Matatandaang bago magsimula ang Mahal na Araw, ipinatupad ang ECQ sa binuong NCR Plus bubble. Ito ay tugon sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 na iniuugnay sa bagong natuklasang mga variant mula sa abroad na nadetekta sa loob ng bansa.

Sa simpleng pagbisita sa COVID-19 tracker ng Department of Health sa internet, mabilis lamang malalaman ni Juan de la Cruz kung paano humaharap ang bansa sa usapin ng pagkontrol sa nakamamatay na pandemya. Sa pinakabagong ulat sa loob ng pitong araw hanggang nitong Mayo 31, tumalon ang bilang ng mga naka-recover mula 999,011 patungong 1,050,643 o pagtaas na 51,632.Katumbas ito ng daily average na 7,376 recoveries.

Sa kaparehong panahon, tumaas naman ang bilang ng mga namatay mula 17,991 patungong 18,821 o may average na 119 pagkamatay na nauulat bawat araw. Ang bilang ng gumagaling sa bawat araw ay 62 beses ng bilang ng mga namamatay.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Ngunit hindi naman matatakpan ng bahagyang pag-usad ng bilang ang kaawa-awang kalagayan ng milyon-milyong mahihirap na pamilyang Pilipino na pinakamatinding tinamaan ng pandemya.

Nitong Mayo 10, kinumpirma ng Philippine Statistics Authority ang kalagayang matagal nang batid ng mamamayan mula sa kanilang araw-araw na pakikipagsapalaran. Bumaba ang gross domestic product (GDP) ng bansa nang 4.2 porsiyento, ang pinakamalala sa 10 bansa ng ASEAN region. Ang bansang Vietnam ang may pinakamagandang takbo ng ekonomiya sa ASEAN, may plus 4.5 porsiyento, at Singapore, na may plus 0.2 porsiyento. Sa pagsasantabi sa Singapore na isang city-state na hindi tulad sa pagkakumplikado ng Pilipinas sa usapin ng heograpiya at demograpiya, marahil ang pagsilip sa Vietnam na lumago ang ekonomiya ng 4.5 porsiyento ay maaaring pagkuhanan ng mahalagang pananaw.

Ang susi sa epektibong estratehiya ng Vietnam sa pagkontrol ng COVID-19 ay ang matatag na health infrastructure.Mula sa mga aral na natutunan nito sa karanasan sa mga nakalipas na outbreak, tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome, o SARS, noong 2003, ginawang prayoridad ng Vietnam ang pagsisiguro sa kalusugan higit sa usapin ng ekonomiya. Mahigpit na nakikipagtulungan ang militar at public security organization sa mga community organizations sa lokalidad.

Naisasagawa ang targeted testing at extensive contact tracing, gayundin ang isolation at quarantining “up to third-tier contacts” sa mahusay na paraan. Sa pagtuon sa mga hinihinalang high-risk na kaso, nakapagsagawa lamang ang Vietnam ng 350,000 tests noong 2020; gayunman, nasa 1,000 katao bawat kumpirmadong kaso ang itini-test, ang “highest ratio in the world.” Pinakamahalaga, natiyak nila ang pagtanggap at pagpayag ng publiko sa pamamagitan ng bukas at malinaw na komunikasyon.

Sa paghahambing, gaano kataas ang ibibigay na marka ng mga Pilipino sa naging pagganap ng DOH at ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emergent Infectious Diseases?

Higit sa pag-aanunsiyo ng alternatibong level ng ECQ, MECQ, GCQ at MGCQ, umaasa ang mamamayan sa mas agresibo at mas maayos na vaccine rollout, patuloy na sistematikong testing at contact tracing, at mas matalinong hakbang para mapabilis ang pagbabalik sa normal ng ekonomiya, gayundin ang pagbabalik ng mga kabataan sa paaralan.