'
Ang daan tungo sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 96 ay magsisimula na sa paglulunsad ng kanilang broadcast partner na GMA ng programang Rise Up Stronger.
"We can consider this as the start ng NCAA dito sa bago nating bahay," pahayag ni NCAA Management Committee (Mancom) chairman Fr. Vic Calvo, OP ng host Letran. "This is the lesson we learned from sports, against all odds, we rise up stronger."
Nakatakdang magsimula ang programa sa Mayo 23 sa GTV Channel 27.Tampok dito ang mga NCAA athletes, coaches at teams mula sa 10 member-schools ng liga.
Araw-araw itong mapapanood tuwing 2:35 ng hapon kung weekdays, 4:30 ng hapon kapag Sabado at 5:05 ng hapon tuwing Linggo.
Balak ng pinakamatandang liga sa buong bansa na simulan ang kanilang special season sa susunod na buwan sa pagdaraos ng mga virtual events na pinangungunahan ng skills-based competitions sa basketball at volleyball, online chess at taekwondo at poomsae.
Ang pagdaraos ng 96th Season ay iniaakma ng NCAA sa tinatawag na new normal habang patuloy na nakikipaglaban ang bansa sa global COVID-19 pandemic.
Marivic Awitan