Ito ang reaksyon ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, matapos magpatunog ng kampana para himukin ang mga botante na magparehistro.
Ang pagpapatunog o pagkalembang ng mga kampana sa mga simbahan noong tanghali ng Linggo ay nagsibling tanda sa unang araw ng pagbilang o countdown tungo sa 2022 presidential elections para mahikayat ang may pitong milyon pang botanteng Pilipino na magparehistro sa gaganaping halalan sa Mayo 9 ng susunod na taon.
Kabilang sa mga simbahang Katoliko na pinatunog ang mga kampana ay ang Manila Cathedral, Quiapo Church at San Fernando de Dilao Parish sa Paco, Maynila. Pinangunahan ni Pabillo ang okasyon para himukin ang "mga mabubuting kandidato" na tumakbo sa mga posisyon sa gobyerno upang mabigyan ang mga botante ng angkop na pagpili sa panahon ng botohan sa Mayo 9.
Sa kanyang homily o sermon, sinabi ni Pabillo na hindi masama ang masangkot sa politika. "Being involved in politics is a way to show love for one's country. If the candidates who are running are good, the people would be given choices. Getting into politics is not evil."
Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Eleksyon 2022 Koalisyon na ang pagpapatunog ng mga batingaw ay isa sa mga inisyatiba ng kanilang non-partisan group na binubuo ng 19 civic at religious organizations at mga indibidwal.
Umaasa ang lead convenor ng Koalisyon na si dating Comelec chairman Christian Monsod at national coordinator dating Comelec commissioner Luie Tito Guia, na mahikayat ang pitong milyong kuwalipikadong botante na magparehistro sa pamamagitan ng kanilang #RegiToVote campaign.
Sumama sa panawagan si Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), at sinabing ang electoral process ay "isang sagradong tungkulin hindi lamang bilang Pilipino kundi bilang isang Katoliko."
***
Sinabi ng bagong hirang na PNP chief na si Gen. Guillermo Eleazar na may 1,400 police officers sa mga municipal police station sa buong bansa ang hindi makatatanggap ng body-worn cameras na gagamitinsa panahon ng operasyon para matiyak ang transparency at accountability. Sa pamamagitan kasi ng body cameras, malalaman ang katotohanan kung basta na lang binaril ng mga pulis ang illegal drug suspects o talagang nanlaban.
Gayunman, sinabi ni Eleazar na patuloy pa naman ang pagbili o procurement ng mga body camera, pero hindi sapat ang pondo sa pagbili ng mga unit na kinakailangan nila. "Halos 1,400 ang hindi makatatanggap bagamat patuloy ang procurement. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating Kongreso, makapaglalaan tayo ng pondo para rito."
Bumili ang PNP ng 2,696 body cameras na nagkakahalaga ng P289 milyon noong 2019. Matapos ang isang taong pagkabalam, maagang sinimulan sa taong ito ng PNP ang pagsasanay sa mga pulis sa pagsusuot ng mga ito, pero ang aktuwal na paggamit ay hindi pa naipatutupad hanggang ngayon.
Naniniwala ang mga mamamayan na kailangang may body cameras ang mga pulis sa kanilang operasyon upang mawala ang duda ng mga tao na sadyang binabaril at pinapatay nila ang mga suspect at hindi nanlaban gamit ang .38 revolver.
Bert de Guzman