CABANATUAN CITY, Nueva Ecija - Napatay ang isang pinaghihinalaang holdaper matapos umanong lumaban sa mga pulis na aaresto sana sa kanya sa Barangay Zulueta ng nasabing lungsod kamakailan.
Pinangunahan ni Cabanatuan City Police-Intelligence Unit chief, Maj. Angelito Manalastas ang operasyon na ikinamatay ng suspek na si Darwin Basan, 32, tubong MayBay, Pagbilao, Quezon at taga-Bgy. Aduas Norte, Cabanatuan City. Ayon sa pulisya, hinoldap umano ni Basan si Jose Miguel, taga-Samson Subd., Bgy. Sumacab Este ng naturang siyudad at natangayan ito ng P60,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga ng P200,000.
Mismong kapitbahay ng biktima ang positibong kumilala sa suspek kaya agad na isinuplong ito sa pulisya na agad namang nagkasa ng hot pursuit operation.
Matapos ang halos pitong oras, naharang ng mga pulis ang suspek na nakasakay pa ng motorsiklo sa St. Joseph Street.
Gayunman, bigla umano nitong binaril ang grupo kaya nakipagbarilan din sa kanya ang mga pulis hanggang sa ito ay bumulagta.
Sinisiyasat pa rin ng pulisya ang kaso.
Light Nolasco