Hinamon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa isang debate tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS). Tinanggap ni Carpio ang hamon ng Pangulo. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro: "Aba hindi siya aatrasan ng apo ni Bernardo Carpio."
Noong Sabado, ganito ang headline ng isang broadsheet: "Rody backs out of debate, designates Roque." Maliwanag, umatras ang naghamon sa pakikipag-debate sa hinamon. Sa halip, hinirang ni PRRD si presidential spokesman Harry Roque na katawanin siya sa pakikpagtuos sa apo ng legendary strongman na si Bernardo Carpio, este Antonio Carpio, hinggil sa sigalot sa WPS.
Si Carpio, kasama si ex-Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, ang instrumental sa paghahain ng kaso noong 2013 sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague na sumasalungat sa malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea. Nag-isyu ng desisyon ang arbitral court noong Hulyo 2016 na nagbabasura sa Beijing claim at pumapabor sa panig ng Pilipinas hinggil sa pag-aari nito sa WPS at mga teritoryo nito sa karagatan.
Sa pag-atras sa pakikipagtalo kay Carpio ni PRRD, sinabi ni Roque na handa ang Pangulo na makipagtagisan sa apo ni Bernardo Carpio, pero ilang miyembro ng gabinete, kabilang si Executive Sec. Salvador Medialdea, ang nagpayo na ang debate ay hindi magdudulot ng kabutihan sa bansa.
Maging sina Senate Pres.Tito Sotto at Sen. Koko Pimentel daw ay nagpayo kay Mano Digong na huwag makipag-debate sa dating Mahistrado. Hindi raw pantay na ang Punong Ehekutibo ay makikipagtalo sa isang ordinaryong abugado na tulad ni Carpio bagamat siya ay dating SC justice.
Iyan ang ibinigay na katwiran ng Palasyo kung bakit umatras sa pakikipagtagisan ang Presidente sa dating Mahistrado. Subalit nagtatanong ang mga Pinoy kung bakit siya maghahamon, pero aatras naman pala sa dakong huli. O baka raw tiyak na "ilalampaso" siya ni Carpio sa isyu ng WPS.
***
May bago nang hepe ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Gen. Guillermo Eleazar. Matagal-tagal ding naghintay at nagtiis si Eleazar sa pag-upo sa puwesto ng PNP matapos na siya'y tatlong beses na ma-bypass ng mga favorite cops o president's men.
Nangako si Eleazar na pupurgahin niya ang hanay ng PNP at itatapon sa basurahan ang mga walanghiya, tarantado at walang budhing mga pulis. Pamumunuan niya ang may 200,000 miyembro ng pulisya. Sisimulan niya ang kampanya na mareporma ang PNP na akusado sa kurapsiyon.
Sinabi niyang hindi siya mangingiming sibakin ang police misfits na nagbibigay-batik sa
"Sa natitirang hoodlums in uniform, titiyakin ko na magagalit kayo sa akin. Hindi ako magdadalawang isip na magtanggal ng mga tiwaling pulis", pahayag niya sa command ceremony sa Camp Crame bilang ika-26 puno ng PNP.