Dahil sa kinakaharap ngayong "health crisis" sa halos lahat ng sulok ng daidig, marami ding hamon ang kailangang harapin ngayon upang makapagsimula ang 2021 Chooks-to-Go MPBL Mumbaki Cup.

Inihayag ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes, hinihintay pa nila ang pahintulot mula sa Inter-Agency Task Force upang makapagsimula ng training para sa plano nilang pagdaraos ng tournament bubble sa Subic.

"Gusto na nating mag-resume but we know we are facing so many challenges with regards to the application for resumption of the league sa IATF," pahayag ni  Duremdes bilang panauhin sa online forum ng Philippine Sportswriters Association noong Martes.

"Sa ngayong ang confirmed is 19 teams and we are still eyeing the Subic bubble dahil alam natin that the place is secured and safe."

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bagamat mayroon ng posibleng venue para maging host ng kanilang 2021 season, kinakailangan pa ring makipsg-ugnayan ng liga sa ilang mga local government units gayundin sa Department of Health dahil sa kanilang estado bilang isang semi-professional at regional league.

"Yung mga challenges din natin sa mga guidelines regarding sa status ng mga LGUs. So yun yung nakikita natin na nahihirapan ang liga sa ngayon. Unang-una, wala pa tayo sa stage na magkaroon ng clearance yung mga LGUs na mag-hold ng kani-kanilang practices," ayon pa kay Duremdes. 

"So sa ngayon, teams within NCR bubble, walang chance maka-practice unlike sa leagues na konte lang yung teams. They can bring the teams sa province sa isang bubble."

Hindi rin sila sakop ng Joint Administrative Order on the Conduct of Health - Enhancing Physical Activities and Sports during the COVID-19 pandemic dahil ang kanilang mga protocols ay nakasalalay at nakabase sa panuntunan na itinakda ng DOH at ng host LGU.

Dahil dito ang planong pagbubukas ng Chooks-to-Go Mumbaki Cup sa Hunyo 12  ay hindi matutuloy.Ang Araw ng Kalayaan ang naging tradisyunal na araw ng pagsisimula ng nakaraang Datu at Lakan seasons.

"Tinitignan natin if hindi tayo maka-start ng June 12, sana July or August. Mahirap mag-set ng timeline dahil depende talaga sa cases ng LGUs," wika ni Duremdes.

Sa sandaling mabigyan ng go signal ang kanilang opening, ayon kay Duremdes ay handang ipagamit sa kanila ng Subic Bay Metropolitan Authority ang dalawang game venues upang matapos ang Mumbaki Cup sa loob ng tatlong buwan.

"Aabot kami ng 300-plus sa delegation so regarding sa format, again, gumagawa kami ng format ngayon na dalawang venue sa SBMA, simultaneous siya tapos Monday to Saturday. Three games sa first court, three games sa second para mapabilis yung league."

Marivic Awitan