Inuulan ngayon ng batikos sa social media ang isang beach resort sa Island Garden City of Samal (IGACOS) sa Davao del Norte, dahil sa mahigpit nitong pagbabawal sa mga transgender guests na gumamit ng female restroom.

Sa pahayag ni Mario Reto, may-ari ng Isla Reta Beach Resort, sa isang panayam sa radyo sinabi nitong:

“We strictly implement wala’y transgender makasulod sa babae (CR). Kay duha ra man atong CR-male ug female. Giprotektahan nato ang women than gay. (We strictly implement na walang transgender ang makakapasok sa babae (comfort room) kasi dalawa lang naman ang ating comfort room para sa babae at lalaki lang. Pinoprotektahan lang natin ang women than gay.)

Kung ang lalaki maka-rape sa babae, naagyud mahitabo mabuntis etc. Pero ang gay ma-rape sa lalaki, wala’y mahitabo (Kung ang lalaki ay mang rape ng babae may mangyayari maaring ito mabuntis etc. Pero kapag ang gay, ma-rape nang isang lalaki wala ditong mangyayari).”

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nag-ugat ang isyu nang ibahagi ng isang kostumer ng resort ang naranasang diskriminasyon mula mismo sa upper management nito dahil sa kanyang kasarian.

Sa isang Facebook post, ikinuwento ni Shannon Remotigue Gonsaga, isang transgender, kung paano siya pinigilan na gumamit ng female restroom.

Nangyari umano ang insidente nitong Sabado habang nai-stay sila sa nasabing resort. Gagamit sana si Gonsaga ng female restroom nang harangin umano siya ng isang staff at sabihan na "Ai dili sa pikas ka kay gay ka.(Ay hindi ka pwede sa lalaki ka kasi gay ka)."

Sinubukan umano ni Gonsaga na paliwanagan ang babaeng staff na hindi siya kumportable na gumamit ng men’s bathroom dahil pambabae na ang kanyang katawan. At hindi na siya isang gay, kundi transgender.

Gayunman, patuloy umano siyang pinagsabihan ng staff hanggang sa umabot pa umano na hinihingan siya ng video na patunay na sumailalim na siya sa operasyon (gender reassignment). Dito na nagpasyang bumalik ng tent si Gonsaga at sumangguni sa upper management hinggil sa kanyang reklamo.

Iginiit niya na hindi isyu na hindi siya nakagamit ng restroom ng babae ngunit kung paano siya pinahiya ng staff. Gayunman, imbes umano na pumabor sa kanya ang manager, sinabihan din siya nito ng “Ai bawal talaga! Kay gay ka (Bawal ka talaga, kasi gay ka)!”

Nagpaliwanag pa muli si Gonsaga sa manager na kalaunan ay humingi ng paumanhin.

Sa huli nag-walk out na lamang siya dahil hindi na umano niya kinaya ang tugon ng management.

Samantala nitong Miyerkules ng umaga, inanunsiyo ng management ng resort sa Facebook page nito na hindi na sila tatanggap ng transgender, dahil sa kakulangan ng pasilidad.

“We inform to the public we cannot accommodate transgender because we have no facility for them to avoid issues of discrimination,” post ng resort.

Screenshot mula sa Isla Reta Beach Resort Facebook page

Kaugnay nito, nagpost naman sa kanyang Facebook account si Samal Island Councilor Gie-arr Requina Valdez at sinabing bago pa man magreklamo si Gonzaga, ay may nauna na silang natanggap na reklamo nitong nakaraang linggo at nag-viral.

Nangako ang konsehal na aaksyunan ang mga reklamo sa pamamagitan ng City Council Tourism Committee.

Magpapalabas, aniya, sila ng warning sa mga beach resort bilang tugon sa hindi magandang trato sa mga customer. Isasailalim din ang mga ito sa akmang Customer Service Handling Training o seminar upang maging island “tourist-friendly” ang lugar at ang compulsory na paglikha ng Facebook page sa lahat ng resort upang mapadali ang access at masubaybayan ang feedback ng mga bisita at kliyente ng mga ito.