Matapos mabakunahan ng Sinopharm vaccine, iniutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na isauli sa China ang donasyon nito sapagkat wala pang endorsement para sa kaligtasan at bisa (efficacy) ng bakunang dinibelop ng Chinese-owned Sinopharm.

Ang utos ay ipinaabot niya kay National Task Force Against Covid-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. sa pre-recorded televised address noong Miyerkules ng gabi. Bulong ng kaibigan ko: "Hindi kaya nalilito at nagkakamot ng ulo si Sec. Galvez?"

Gayunman, ipinagtanggol ni Mano Digong ang pagpapaturok niya ng Sinopharm na mismong si Health Sec. Francisco Duque III ang nagturok sa kanya. Aprubado naman daw ng Food and Drug Administration (FDA) batay sa tinatawag na "compassionate use permit" o CUP.

"Maaaring hindi ito acceptable sa kanila, pero legal naman ito actually. Kapag pinayagan ng gobyerno itong gamitin para sa compassionate use, ito mismo ay authority, para bakunahan ang mga tao," saad ng Pangulo.

Tinanggap ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamon ni PRRD sa isang debate tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS). "Tinatanggap ko ang hamon ano mang oras sa convenience ng Pangulo."

Sinabi ni Pres. Rody na tatlong katanungan lang ang itatanong niya kay Carpio: "Sino ang nag-utos sa pag-retreat (ng PH vessels sa WPS); ano ang ginawa mo pagkatapos ng pag-alis ng barko; naghain tayo ng kaso at nanalo, maaaring ba nating ipatupad ito?"

Sa retreat, ang ibig sabihin ni PRRD ay ang pag-urong ng Philippine Navy vessels sa Panatag (Scarborough) Shoal bilang pagtalima sa isang US-brokered deal o kasunduan na lisanin ng mga barko ng PH at China ang shoal para matapos ang stand-off. Pumayag ang China, pero hindi ito tumupad sa kasunduan. Hindi umalis.

Nilinaw ni Carpio na hindi siya sangkot sa desisyon na lisanin ng mga barko ng Pinas ang Panatag Shoal. "Dapat ay mag-resign na ngayon si President Duterte para tupdin ang kanyang word of honor. I state under oath that I was never involved in the decision to withdraw the Philippine Navy ships from the West Philippine Sea during the Scarborough standoff."

Para sa ating Pangulo, ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands sa sigalot sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea (WPS), na pumapabor sa Pilipinas ay isang pirasong papel lang na puwedeng itapon sa basurahan. Iginiiit niyang ipinursige niya ang desisyon ng hukuman, pero walang nangyari.

Inaakusahan si PRRD ng mga kritiko sa pagiging malambot sa pambu-bully ng dambuhalang China. Para kay dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, isang pambansang trahedya ang waring pagpanig pa ng Pangulo sa China sa isyu ng WPS.

Sa English, ganito ang pahayag ni Del Rosario: "It is, therefore, a national tragedy that the President of the Philippines takes the side of China and believes that the arbitral ruling is a scrap of paper meant to be thrown in the waste basket, to the severe prejudice of the Filipino people."

May mga nagtatanong: "Nasaan na ang ipinakipaglaban nina Rizal, Bonifacio, Del Pilar, Luna at iba pang mga bayani? Wala na bang saysay ang pagbubuwis nila ng buhay para sa kalayaan, soberanya at kapayapaan ng Pilipinas?

BERT DE GUZMAN