Kumpirmadong nakapasok na rin sa bansa ang Indian variant ng COVID-19, matapos magpositibo ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) sa virus na kapwa walang history of travel sa India .
Sa isang press briefing, inanunsiyo ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dalawang kaso ng B.1.617 coronavirus variant na ang natukoy sa bansa.
“Nais po nating ipaalam sa publiko na tayo po ay may natukoy na dalawang kaso ng sinabing variant,” ani Vergeire.
Ayon sa opisyal, ang naturang mga pasyente ay parehong lalaking overseas Filipino workers (OFWs), isang 37-anyos na mula sa Oman at 38-anyos na galing naman sa United Arab Emirates (UAE).
Kapwa wala naman aniyang history of travel sa India ang dalawa.
Ani Vergeire, pagkadating pa lang sa bansa ay nai-quarantine na ang mga pasyente at wala pa silang na-detect na close contacts ng mga ito.
“Dahil ang ating mga kaso pagdating ay nalagay sa quarantine, wala po tayong nadetect na close contacts... As of now, the information we got is they have no travel history from India,” aniya pa.
Matatandaang nagpapatupad ang Pilipinas ng travel ban sa mga pasaherong mula sa India hanggang Mayo 14 upang maiwasang makapasok sa bansa ang naturang variant ng COVID-19, na sinasabing siyang responsable sa surge ng naturang sakit sa naturang bansa.
Malaunan ay pinalawak pa ang naturang travel restrictions sa mga pasaherong mula sa Bangladesh, Pakistan, Nepal at Sri Lanka, na nakapaligid sa India.
Ang Indian variant ay sinasabing double mutant dahil sa presensiya ng dalawang mutation sa spike protein ng virus, na nagpapahintulot dito upang mas mabilis na makapasok sa katawan ng tao at mabilis na magpadami.
Patuloy pa rin naman ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na maging maingat, sundin ang ipinaiiral na health protocols ng pamahalaan at huwag maging kampante upang hindi mahawaan ng virus.