Sinibak sa serbisyo kamakalawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang traffic enforcer na sangkot sa pangongotong na huli sa viral video, makaraan ang masusing imbestigasyon at mapatunayang guilty sa reklamong extortion at grave misconduct.

Naaktuhan ang dalawang personnel na sina Edmon Belleca at Christian Malemit sa video na kuha at ini-upload ni Miriel Custodio noong Abril 23 na nanghihingi umano ng P1000 bribe money kapalit ng hindi paghuli sa biktima sa paglabag sa Republic Act 10913 o mas kilala bilang Anti-Distracted Driving Act and Reckless Driving.

“Natapos na po ang imbestigasyon ng MMDA sa kaso ng dalawang enforcers na ito. Dahil sa bigat ng mga ebidensya laban sa kanila, sila po ay napatunayang guilty kaya’t tanggal na po sila sa kanilang tungkulin at hindi na maaaring makapag-serbisyo pang muli,” ani MMDA Chairman Benhur Abalos.

Ayon sa Decision, "WHEREFORE, premises considered, Respondents TA1 EDMON E. BELLECA and TA1 R1 CHRISTIAN T. MALEMIT are found GUILTY of Grave Misconduct, for which the penalty of DISMISSAL from the service is imposed."

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Bago pa ang dismissal, inilagay sa preventive suspension ang dalawa bilang bahagi ng administrative procedure. Disciplinary measure lamang ang nabanggit na preventive suspension habang dinidinig at iniimbestigahan ng Legal Department ng ahensya ang kanilang kaso.

Sasampahan din ng kaukulang kasong kriminal ang dalawang traffic personnel.

Magkakaloob naman ang ahensya kay Custodio ng legal assistance sa paghahain ng reklamo laban sa dalawa.

“Nakipag-ugnayan na po kami sa biktima bilang preparasyon sa pagsasampa ng kaso sa hukuman laban kina Belleca at Malemit. Sisiguraduhin namin na magiging accountable sila sa kanilang ginawa,” dagdag ni Abalos.

Binalaan ni Abalos ang lahat ng mga kawani ng MMDA na huwag masangkot sa anumang iligal na aktibidad lalo pa’t seryoso ang ahensya sa kampanya nito kontra korapsyon.

“Magsilbi sana itong babala sa lahat ng mga empleyadong sangkot sa korapsyon. Hindi kami mangingiming sibakin at sampahan sila ng kaso,” saad ni Abalos.

Hinimok din ng opisyal ang publiko na i-report ang anumang iligal na gawain na kinasasangkutan ng MMDA personnel sa pamamagitan ng social media platforms ng ahensya at hotline 136 para mabigyan ng kaukulang aksyon.

“Seryoso kami sa aming kampanya na linisin ang aming hanay at alisin ang mga tiwaling personnel. Kinakailangan namin ang tulong ng publiko upang matukoy ang mga indibidwal na sangkot sa iligalidad. Sinisiguro po namin sa MMDA na agaran naming aaksyunan ang mga gawaing labag sa batas,” saad ng MMDA Chairman.

Bella Gamotea