ALCANTARA, CEBU — Tulad ng inaasahan, labanang matira ang matibay sa Visayas leg Finals.

Nakaahon sa kumunoy ng kabiguan ang MJAS Zenith-Talisay City nang maungusan ang KCS Computer Specialist-Mandaue, 63-56, Dabado ng gabi sa Game 2 ng best-of-three championship duel sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Cupsa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Nalagay sa alanganin ang matikas na kampanya sa liga matapos masilat sa 66-67 sa Game 1 nitong Biyernes, matikas na sumagupa ang Aquastars para maipuwersa angwinner-take-all Game Three sa kauna-unahang professional basketball league sa South.

Walang tulak kabigin, maghaharap ang magkaribal para makompleto ang pakikipagtipan sa kasaysayan ganap na 7:00 ng gabi ngayong Linggo (Mayo 9).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naghabol ang Aquastars sa 41-48 sa kaagahan ng final period, ngunit kinasiyahan ng suwerte ang Talisay nang maupo sa bench ang beteranong forward ng Mandaue na si Ping Exciminiano bunsod ng injury sa kanang hita may 8:38 ang nalalabi sa laro.

Sinamantala ngAquastars ang pagkawala ng defensive star ng Mandaue at sa pinagsamang puwersa nina season MVP Jaymar Gimpayan, Darrell Menina, Jhaymo Eguilos, Egie Boy Mojica at Paulo Hubalde, nailarga ng Talisay ang 16-2 scoring run para maagaw ang bentahe sa 57-50.

Nanatili naman ang kikig ng KCS at naisikit ang iskor sa 56-59 mula sa dalawang free throw ni Gryann Mendoza may 1:19 natitira sa laro. Sa krusyal na sandali, ang diskarte ng beteranong si Paulo Hubalde ang naging sandigan ng MJAS matapos nakakuha ng foul kay Bernie Bregondo at maisalpak ang dalawang free throw.

Bumitaw ang pagkakataon ng KCS na maidikit pa ng husto ang iskor nang sumablay ang open shots nina Shaquille Imperial at Mendoza sa three-point area. Senelyuhan ni Menina ang panalo ng MJAS sa krusyal na lay-up mula sa pakikipag-agawan kay Mendoza sa bola may 14 segundo ang nalalabi.

"The boys showed heart, ayaw talaga nila magpatalo," pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante. "Pinakita nila yung character nila coming off a loss last night."

"Sabi nga nila, you throw all the stats out of the window sa Game Three. We just have to focus mentally dahil ang goal talaga namin dito sa bubble is to win the championship," sambit ni Morante.

Pinangunahan ni Menina, miyembro ng Mythical Five at pambato ng CESAFI, ang Talisay City sa naiskor na 15 puntos, limang rebounds, at limang assists, habang tumipa si Hubalde ng 11 puntos, anim na rebounds, apat na assists, at dalawang steals.

Nanguna siExciminiano sa KCS na may 14 puntos, walong rebounds, dalawang assist at tatlong steals, habang kumana sina Rhaffy Octobre at Mendoza ng tig-11 puntos.

Iskor:

MJAS-Talisay 63 - Menina 15, Hubalde 11, Cabahug 8, Gimpayan 8, Mojica 7, Jamon 4, Acuna 3, Eguilos 3, Villafranca 2, Mabigat 2, Santos 0.

KCS-Mandaue 56 - Exciminiano 14, Mendoza 11, Octobre 11, Nalos 4, Sorela 4, Imperial 4, Soliva 4, Cachuela 2, Bregondo 2, Tamsi 0, Roncal 0, Bonganciso 0, Delator 0, Mercader 0.

Quarterscores: 15-4, 24-23, 41-41, 63-56.