ni BERTDEGUZMAN

Minura ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang China at hiniling na umalis sa West Philippine Sea (WPS) kung saan mahigit sa 200 barko nito ay nakadaong sa Julian Felipe Reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kung gaano kabagsik ang pagmumura ni Locsin laban sa dambuhalang nasyon ni Pres. Xi Jinping, iyon din naman ang bilis ng paghingi niya ng paumanhin sa kanyang Twitter post kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, itinuturing niyang isang kaibigan.

Nagdududa ang mga netizen at mamamayan sa biglang buwelta ng may matapang-na-dilang Kalihim ng Ugnayang Panlabas, hinala na pinatindi nang sabihin ni presidential spokesman Harry Roque na tanging si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) lang ang may karapatang magmura.

Samakatwid, may hinala ang mga Pilipino na ang nasa likuran ng paghingi ng paumanhin ni Locsin ay walang iba kundi si Mano Digong. Siyempre, kaibigan ng ating Pangulo ang China at ayaw niyang "magalit o mapikon" dahil malaki ang utang na loob ng ating bansa dito.

Gayunman, tutol dito ang malaking bilang ng mga mamamayan. Wala raw utang na loob ang Pilipinas sa China dahil sa donasyong Sinovac sapagkat ang malaking bahagi ng mga bakuna na galing sa China ay binibili ng PH sa kanila.

Hindi saklaw ang mga mangingisdang Pinoy sa fishing ban ng China sa South China Sea (SCS). Hinihikayat ng gobyernong Pilipino ang Filipino fishermen na lumabas at pumalaot sa WPS na bahagi ng South China Sea at mangisda.

Noong Mayo 1, sinimulan ng dambuhala ang pagbabawal na mangisda na sumasaklaw sa Bohai Sea, Yellow Sea, East China Sea at sa katubigang dakong hilaga hanggang 12 degrees sa north latitude ng South China Sea.

Ang fishing ban na ipinatutupad kada taon ay bahagi ng pagsisikap ng Beijing na maisulong umano ang "sustainable marine fishery development and improve marine ecology," ayon sa report mula sa Chinese state-run Xinhua.

Samantala, sinabi ng National Task Force for the West Philippine Sea, na hindi tama ang unilateral fishing ban ng China mula Mayo 1 hanggang Agosto 16. "This fishing ban does not apply to our fishermen and the NTF-WPS opposes China's imposition of the same over the areas within the territory and jurisdiction of the Philippines," pahayag ng Task Force noong Martes ng gabi.

Iniulat ng Xinhua na mahigit sa 50,000 Chinese fishing vessels mula Guangxi Zhuang Autonomous Region at sa mga probinsiya ng Guangdong at Hainan ay inaasahang sususpendehin ang operasyon sa panahon ng fishing ban.

"Iginigiit ng NTF-WPS na hinihimok namin ang aming mga mangingisda na lumabas at mangisda sa aming katubigan sa WPS." Maging ang Vietnam ay salungat sa China's unilateral fishing moratorium, at binigyang-diin na ito ay may karapatang legal sa karagatan na tinukoy sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

"Tutol ang Vietnam at matindi ang pagsalungat sa unilateral decision ng China. The fishing ban has violated Vietnam's sovereignty over Hoang Sa archipelago, infringed international law," ayon sa Vietnamese foreign ministry deputy spokesperson Doan Khac Viet.

Samantala, may mga ulat na nakikiusap si PRRD sa Chinese government na payagan ang mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa karagatan na dati naman nilang pinangingisdaan sa may WPS. Komento ng mga Pinoy at observer, bakit siya makikiusap eh saklaw ng WPS ang dagat na pinangingisdaan ng mga Pilipino?