Sampung kilo ng pinaghihinalaang iligal na droga na aabot sa P68 milyon ang nasabat ng mga awtoridad sa isang drug suspect sap Parañaque City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Major General Vicente Danao, Jr. ang suspek na si Ralel Barauntong, alyas "Boss", 29.
Ayon sa ulat, ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Parañaque City Police Station sa Ninoy Aquino Ave., Bgy. Sto. Niño sa Parañaque City, dakong 7:00 ng gabi nitong Biyernes,Mayo 7.
Binentahan umano ngdroga ng suspek ang police poseur buyer sa lugar na naging dahilan ng pagkakaaresto nito.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 10 kilo ng pinaghihinalaang shabu; isang Nokia analog phone; isang gray Chevrolet Opra na may plakang ZMX 519; at boodle money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad si Barauntong habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.Bella Gamotea